Daughters of Saint Paul

Agosto 10, 2016 MIYERKULES Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon San Lorenzo, diyakono at martir

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. "Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. "Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama."

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, tinutukoy ni Jesus ang Kanyang sarili na Siyang butil na kailangang magkatawang-tao at mamatay upang magbunga ng kaligtasan para sa lahat. Ang pagharap sa pagsubok at pagkamatay ng maraming martir ng ating pananampalataya katulad ni San Lorenzo – nagbunga ng pagsilang ng maraming mananampalataya ng Iglesya. Ang dugong dumanak mula sa mga martir ang nagsilbing binhing nagbigay buhay at inspirasyon sa maraming Kristiyano na maging matatag sa panahon ng pagsubok at pag-uusig. Magpahanggang ngayon, nakararanas pa rin ng pag-uusig ang maraming Kristiyano sa iba't ibang panig ng mundo, lalo na sa Gitnang Silangan. Pero nanatili silang matatag sa pananampalataya at piniling mag-alay ng buhay alang-alang sa pananampalataya sa Panginoong Jesus. May mga pagkakataon din sa ating buhay na kailangan nating mamatay sa ating mga sarili upang makapag-bigay buhay para sa iba. Malinaw na halimbawa nito ang buhay ng marami nating OFWs. Tinitiis nila ang hirap ng trabaho at labis na kalungkutan at pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay, mabigyan lang ng magandang kinabukasan ang pamilya at mga anak. Ganun ang sakripisyo ng marami nating mga guro sa paaralan na nagsisikap hubugin ang murang isipan ng mga kabataan para sila matuto. Hindi rin matatawaran ang sakripisyo ng mga magulang sa pagtaguyod ng pamilya at wastong pagpapalaki ng mga anak. Ang lahat ng ito'y nagbabadya ng pagtalikod sa sarili at pagkamatay sa sariling kagustuhan – upang mag-bigay buhay sa iba. Mga kapatid, sa bawat tulong na ibinabahagi natin sa kapwa, sa bawat kabutihang ginagawa natin lalo na sa mga taong umuusig sa atin – tayo'y nakararanas ng pagkamatay sa sarili. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang lumago pa sa pananampalataya nang huwag tayong matakot mamatay sa sarili para sa ikabubuti ng nakararami.