Daughters of Saint Paul

Agosto 11, 2016 HUWEBES Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon Santa Clara, dalaga

Nagtanong si Pedro: "Panginoon, gaano kadalas ko dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: "Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu't beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang na mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng 'Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: Bigyan mo paako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo. Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo? Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapaghirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. Idinagdag ni Jesus: "Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid. Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa ating karanasan hindi madaling magpatawad lalo na kung pagpapatawad mula sa puso ang pag-uusapan. Maaaring sinasabi ng iyong isip na napatawad mo na ang nagkasala sa iyo pero nasasaktan pa rin ang puso mo. Dahil hindi naman isip kundi puso ang nasasaktan sa tuwing may gumagawa ng masama laban sa atin. Ang pagpapatawad, hindi lamang gawain ng tao. Pagkilos ito ng Diyos sa pamamagitan ng tao. Kung wala ang Diyos na kumikilos sa tao, hindi magagawa ng tao ang ganap na pagpapatawad na hinihingi sa atin ng Ebanghelyo. Kung ang Diyos ay pag-ibig, itutulak din tayo ng pag-ibig na hindi mapagod sa pagpapatawad. Dahil ang tunay na pag-ibig, nagmamahal ng walang pasubali, kahit sa mga taong hindi karapat-dapat.