Daughters of Saint Paul

Agosto 12, 2016 BIYERNES Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon Santa Juana Francisca de Chantal, relihiyosa

Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: "Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?" Sumagot si Jesus: "Hindi ba ninyo nabasa na sa simula'y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo'y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos." At sinabi nila: "Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?" Sinabi naman niya sa kanila: "Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya." Sinabi naman ng mga alagad: "Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa." Sinabi ni Jesus sa kanila: "Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa Kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap."

PAGNINILAY

Mga kapatid, may dalawang mahalagang katangian ang kasal para sa ating mga Kristiyano. Una, ang tinatawag na pagiging isa; at ang pangalawa naman, panghabambuhay na pagbubuklod o indissolubility sa wikang Ingles. Ito ang pag-iisang-puso ng dalawang taong nagmamahalan. Isang pari ang nagsabi na ang kasal, tagumpay ng dalawang hindi magkauri. Hindi magkauri dahil magkaiba sa kasarian. Magkaiba dahil hindi pareho ang pamilyang pinagmulan. May pagkakaiba din marahil sa mga gusto at ayaw. Dalawang magkaibang puso pero tumitibok para sa isang layunin – ang magmahalan at magsalo sa iisang buhay sa hirap man o sa kaligayahan. Posible lang ito, dahil ang tapat na Diyos ang nagbuklod sa mag-asawa. Idalangin natin ang lahat ng mga mag-asawa na pagkalooban sila ng biyayang pangalagaan ang Sakramento ng kasal. Maging sentro nawa ang Diyos sa kanilang pagsasama nang malagpasan nila ang mga pagsubok na dumarating sa buhay may-asawa. Manalangin tayo. Panginoon, patatagin Mo po ang pagsasama ng mga mag-asawa nang manatili itong buo at matatag sa kabila ng mga unos at bagyong humahampas sa kanilang pagsasama. Amen.