Daughters of Saint Paul

Agosto 13, 2016 SABADO Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon San Ponciano, papa, at San Hipolito, pari, mga martir

May nagdala kay Jesus ng mga bata para sa ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. "Pabayaan ny'o sila. Huwag n'yong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Langit." At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.

PAGNINILAY

Sa katauhan ng mga maliliit katulad ng mga bata, nakikita ni Jesus ang Kanyang sarili. Nagpasalamat Siya sa Ama dahil inilihim Niya ang mga mahahalagang bagay sa mga pantas at matatalino. At ibinunyag naman ito sa mga may pusong tulad ng bata. Alam natin na dahil sa kamusmusan ng isang bata, tiyak na malinis ang kanyang puso. Sinabi rin ng Panginoon na mapalad ang mga may malinis na puso dahil makikita nila ang Diyos. Mga kapatid, bukod sa kalinisan ng puso, ano pa ba ang ibang katangian ng isang bata, at ganun na lamang ang pagkalugod ng Panginoon sa kanila? Ang isang bata, wala pang masyadong lakas at kapangyarihan para ipagtanggol ang kanyang sarili kung kaya't kailangan niya ang tulong ng iba. Nakaasa siya sa kanyang magulang sa lahat ng kanyang pangangailangan. Simple mag-isip, mapagpakumbaba at mababaw ang kaligayahan ng mga bata. Mabilis silang matuwa sa anumang regalong natatanggap. Nagsasabi ng totoo ang mga bata; mabilis turuan, masunurin at matapat sa magulang. Ang mga katangiang ito ng mga bata ang inaasahan sa atin ng Panginoon bilang mga anak Niya – na maging katulad tayo ng isang bata sa ating pakikitungo sa Kanya. Kung ang puso natin katulad ng isang bata, mas higit nating nakikita ang ating pangangailangan sa Diyos. Samantalang kung masyado tayong bilib sa ating sariling kakayahan, na para bang kaya nating mabuhay kahit wala ang Diyos – dito tayo nagkakamali. Dahil ang totoo, ang araw-araw nating pag-iral sa mundo, hiram lamang sa Diyos; at ang ating buhay at lahat ng bagay na tinatamasa natin ngayon, mula lahat sa Kanyang kagandahang-loob. Katulad ng isang bata mapalad ang mga umaasa sa Panginoon tuwina dahil tiyak na tutulungan sila ng Diyos. Manalangin tayo. Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong katulad ng isang bata nang maging matapat at masunurin ako sa Iyong mga turo at maging bukas sa Iyong pagpapala. Amen.