Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya at pag katok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o s madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon! Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala."
PAGNINILAY
Huwag hanapin ang katiyakan ng buhay sa mga makamundong bagay, kundi sa kayamanang matatagpuan lamang sa Kaharian ng Diyos. Ito ang panawagan ni Jesus sa mga alagad, at sa ating lahat na nakikinig ngayon. Katulad ng mga alagad, tinatawagan rin tayo ng Panginoon na maging matatag sa ating pananampalataya, at maging laging handa kahit matagal pa ang katuparan ng ating sinasampalatayan. Ibinigay niyang halimbawa ang mga lingkod na pinagkatiwalaang pangalagaan ang sambahayan. Walang nakakaalam kung kailan babalik ang may-ari ng bahay. Kaya naman, laging handa ang matalinong lingkod, dahil maaaring magbalik ang may-ari anumang sandali, at tiyak na inaasahan nitong nasa ayos ang lahat. Mga kapatid, ipinakikita ng Ebanghelyo ngayon ang kahalagahan ng pagiging handa sa pagdalaw ng Panginoon sa ating buhay, sa sandali ng saya at kalungkutan. Sa ating pang-araw-araw na buhay, madalas tayong nakararanas ng mga paghihirap at kabiguan, pasakit at kalungkutan, trahedya at pagkatalo. Madalas na hindi nagaganap ang ating mga pangarap, mga inaasam, at mga pinaplano. Paano natin pinaghahandaan ang mga hindi inaasahang pangyayaring ito? Ano ang magagawa natin sa mga panahong tila wala ng liwanag, at malayo ang Diyos, at naghahanap tayo ng katibayan na may Diyos nga? Mga kapatid, sa puntong ito tayo hinahamon ng Panginoon na palalimin pa ang pananalig sa Kanya. Dahil tanging pananampalataya sa Diyos na lamang ang ating kakapitan sa panahon ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, sa panahong tayo'y nanghihina na at tila wala nang magagawa pa. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya at pagtitiwala sa Inyong kagandahang-loob na hinding-hindi Mo ako susubukin nang higit sa aking makakaya. Amen.