Daughters of Saint Paul

Setyembre 3, 2016 SABADO Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Gregorio Magno, papa at pantas ng Simbahan

1 Cor 4:6b-15 – Slm 145 – Lk 6:1-5

Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa taniman ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?”  Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila:  “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama?  Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”

REFLECTION

Pinatunayan sa Ebanghelyong ating narinig na mahalaga ang mga utos.  Pero dapat nating pakatandaan na ang mga utos hindi katapusan, kundi daan lamang upang makarating sa minimithing katapusan – ang makapiling ang Panginoong Diyos.  Magandang lawakan natin ang paningin upang makita ang isang puno sa konteksto ng buong kagubatan.  Kumbaga, dapat nating  tingnan ang ating relihiyon, hindi bilang listahan ng mga “bawal” at  “dapat”, kundi tingnan ito sa aspeto ng pagsabuhay ng pagmamahal ng ating Panginoong Diyos sa atin. Mga kapatid, kung pinapahalagahan natin ang pagmamahal ng Diyos, at nag-uuumapaw sa kagalakan at pasasalamat ang ating puso – di ba dapat lamang na ibahagi natin ang papapalang ito sa iba?   Kung ang batas ang nagiging hadlang sa paggawa natin ng kabutihan sa kapwa, kung isawalang bahala natin ang pagtulong sa kapatid na nahihirapan dahil ipinagbabawal ito sa Araw ng Pahinga, kung ilalayo natin ang sarili sa mga gawaing pampamilya dahil ginagampanan natin ang mga obligasyon sa simbahan –magiging kalugod-lugod kaya sa Diyos ang pagsabuhay natin ng Kanyang utos?  Mga kapatid, tahasang tinuligsa ni Jesus ang makitid na pagsunod ng mga Pariseo sa Batas ni Moises, dahil nais Niyang ituro sa atin na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang tunay na diwa ng Batas.  Higit si Jesus sa mga utos ni Moises, dahil Siya –si Jesus mismo – ay Diyos.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang maunawaan natin na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang tunay na diwa ng batas.