Lk 6:6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya.
Ngunit alam ni Jesus and kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “I-unat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
REFLECTION
Sa Rabinikong tradisyon pinapayagan na isantabi ang regulasyon ng Sabat kung may buhay na nalalagay sa panganib. Ang lalaking pinagaling ni Jesus sa narinig nating Ebanghelyo, hindi pa nanganganib na mamatay. Maaari niya sana itong pagalingin sa ibang araw, pero ninais Niyang harapin ang mga eskriba at mga Pariseo. Sa pagpagaling ni Jesus sa lalaki, nais niyang bigyang-diin na mas mahalaga ang ikabubuti ng tao kaysa sa pagsunod sa batas. Mga kapatid, sa kulturang puno ng legalismo at mga kautusan kung paano dapat sundin ang mga tradisyon, nagpahayag si Jesus ng Ebanghelyo ng kalayaan ng tao. Larawan ito ng pagmamalasakit na hindi ipinagpapabukas ang paggawa ng mabuti. Hindi nito maaatim na maghihirap pa ng isang araw ang isang kapatid. Dahil sa pagsa-alang-alang ng Diyos sa kabutihan ng tao kaya itinakda ang pahinga tuwing Sabat. Kaya naman, ang araw ng Sabat ang siyang pinaka-magandang araw upang magbigay buhay sa mga taong may karamdaman, naguguluhan at nawawalan na ng pag-asa. Manalangin tayo. Panginoon, tulungan Mo po akong makatugon sa hamon ng Ebanghelyo. Pagkalooban Mo po ako ng pusong tunay na may malasakit sa kapwang nangangailangan nang lagi kong unahin ang kanilang kapakanan para sa Iyong kaluwalhatian. Amen.
