Mt 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasalo ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
REFLECTION
Sa pagdiriwang natin ngayon ng kapistahan ni San Mateo, inaanyayahan tayong pagnilayan ang tatlong mahahalagang aspeto ng buhay Kristiyano: ang pagbabagong-buhay (conversion), ang bokasyon, at ang pangangaral o evangelization. Si Mateo, isang maniningil ng buwis. At sa panahon ni Jesus mababa ang tingin ng mga tao sa maniningil ng buwis. Dahil sinasamantala nila ang mga tao para sa personal na pagpapayaman. Iniwan ni Mateo ang ganitong uri ng buhay upang sumunod sa Panginoon. Ang agarang pagtugon ni Mateo, isa ring halimbawa ng bokasyon. Nagdesisyon siyang talikdan ang dating masamang hanapbuhay para maisagawa ang misyong ipangaral ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo. Mga kapatid, bawat isa sa atin may kanya-kanyang bokasyon at may gawaing dapat gampanan sa buhay. Ang pag-papari o pagmamadre, ang pag-aasawa, o pananatiling walang asawa para maglingkod sa pamilya at simbahan – mga bokasyong itinalaga ng Panginoon na mapagpipilian natin, upang makatugon nang lubos sa tawag ng pagmamahal. Lahat ng bokasyong ito, kaaya-aya sa mata ng Diyos. Alinman ang piliin natin – maaring maging daan upang magmahal at magpakabanal! Ito ang misyong nakakabit sa ating pagiging binyagan sa tubig at Espiritu. Mga kapatid, si San Mateo ang huwaran natin sa pagsunod sa Panginoon. Isa siyang makasalanan, katulad nating lahat – pero hindi ito naging hadlang para hindi siya tumugon sa paanyaya ng Diyos. Magbigay nawa ito sa atin ng inspirasyon at pag-asa na gaano man tayo kasama o makasalanan– naparito ang Panginoon para sa atin, handang magpatawad. Kailangan lamang nating lumapit sa Kanya at buong pakumbabang aminin at pagsisihan ang ating mga kasalanan.
