Daughters of Saint Paul

Setyembre 22, 2016 HUWEBES Ika-25 na Linggo ng Karaniwang Panahon / Santo Tomas de Villanueva

Lk 9:7-9

Nabalitaan naman ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayaring ito at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan.  Sinabi naman ng iba ba nagpakita si Elias, at iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon.  At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko na si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?”  Kaya sinikap niyang makita si Jesus.

REFLECTION

Herodes!  Ito ang tawag ng isang tao sa kanyang kaaway.  Nangangahulugan lamang na malaki ang galit n’ya sa kanyang kaaway at ang tingin niya dito, katulad ni Herodes.  Bakit kaya?  Anong uri ba ng tao si Herodes?  Unang-una si Herodes, talaga namang masamang tao.  Isa s’yang kriminal.  Pinapugutan n’ya ng ulo si Juan Bautista.  Imoral ang kanyang pamumuhay dahil nakikisama siya sa kanyang hipag.  Sinungaling siya at mayabang.  Tulad ng kanyang amang si Dakilang Herodes, si Herodes antipas, tuso, ambisyoso at mahilig sa masarap na buhay.  Pero, hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya magaling na pinuno.  Sa kasaysayang nakasaad sa Bibliya, nalalarawan doon ang kasamaan ni Herodes.  Kasama na ang pagkakasangkot niya sa di-makatarungang paghatol at pagpatay sa ating Panginoong Jesus.  Pero, sa Ebanghelyo natin ngayon, bakit parang excited si Herodes na makita si Jesus.  Ano kaya ang dahilan?  Ang totoo nais lang niyang makita si Jesus dahil gulong-gulo na ang kanyang isip.  Marahil nakukunsensiya siya sa ginawa niyang pagpatay kay Juan Bautista.  Marahil din, nanduon na s’ya sa punto ng pagsisisi.  At kung makikita n’ya si Jesus at mapapatunayan n’yang nabuhay nga si Juan, matatahimik na ang kanyang budhi.  Mga kapatid, tayo; may pagkakatulad din ba kay Herodes?  Sa anong pag-uugali?  Naiintriga lang ba tayo sa katauhan ni Jesus kaya tayo sumusunod sa kanya?  O talagang hangad nating makilala si Jesus at mahalin siya nang higit kaninuman?  Paminsan-minsan, tulad ni Hereodes bumabalik ang mga multo ng ating nakaraan.  Binabagabag ang ating puso’t isipan dahil sa mga nagawa nating kasalanan.  Nakatatak na ito sa’ting kamalayan kaya mahirap alisin.  Kaya nga isang tunay na biyaya ang pagkakaroon ng maayos at matuwid na buhay.  Walang balakid sa ating paglalakbay at nagiging magaan ang pakiramdam natin sa buhay.  Ito ang hamon sa’ting lahat.  Ito ang hamon ng Ebanghelyo ngayon nang mamuhay tayong laging payapa at masaya at may katiwasayan sa puso.  Hilingin natin sa Diyos ang biyayang ito.