Daughters of Saint Paul

Setyembre 23, 2016 BIYERNES Ika-25 na Linggo ng Karaniwang Panahon / San Pio (Padre Pio) ng Pietrelcina, pari

Lk 9:18-22

Minsan, mag-isang nagdarasal si Jesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista raw; may iba namang nagsasabi na ikaw si Elias at may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.”                    

          At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kanino man.

          Sinabi nga ni Jesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”

REFLECTION

Mga kapatid, kung ikaw ang tatanungin ng Panginoon ngayon kung sino Siya sa iyong buhay, ano ang itutugon mo?  Masasabi mo rin ba ang tinuran ni Pedro, na Siya ang Panginoon ng iyong buhay, ang Mesiyas ng Diyos?  Kung Siya ang Panginoon ng iyong buhay, Siya dapat ang iyong sinusunod.  At tulad Niya, mahinahon mo ring papasanin ang pang-araw-araw na krus, dahil ito ang tatak ng tunay na tagasunod ng Panginoon. Sa ebanghelyong ating narinig, inilarawan ni Jesus kung sino at ano talaga siya – isang Mesiyas na maghihirap at itatakwil.   Salungat ito sa popular na larawan ng Mesiyas, na puno ng makamundong kaluwalhatian.  Magtatagumpay siya laban sa kanyang mga pulitikal na kalaban, at hindi niya mararanasan ang anumang pagpapakasakit at paghihirap.  Hindi ito tinatanggap ni Jesus.  Sa halip, para sa Kanya, ang paghihirap, pasakit at kamatayan – bahagi ng tawag sa Kanya.  Dahil sa kung sino Siya at sa kung ano ang pinaninindigan Niya, tiyak na hindi maiiwasan ang haharaping paghihirap ni Jesus. Mga kapatid, kung tunay tayong tagasunod ng Panginoong Jesus, buong puso rin nating yayakapin ang krus ng buhay.  Sisikapin nating sumalungat sa agos ng makamundong kalakaran, lalo na ang mga gawaing magbubulid sa atin sa kasalanan.  Kapag ginawa natin ito, asahang makararanas tayo ng pagtakwil, at pagtuligsa mula sa mga taong namumuhay sa kadiliman. Pero, wala tayong dapat ikatakot, dahil kasama natin ang Panginoon sa’ting pakikipaglaban sa kasamaan.  Manalangin tayo.  Panginoon, katulad ni Pedro, buong-puso ko pong inaamin na kayo ang aking Mesiyas, ang aking Tagapagligtas.  Maipakita ko nawa sa’king pang-araw-araw na buhay ang pananampalatayang ito.  Amen.