Ebanghelyo: Mateo 23,1-12
Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.
“Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n’yong tawaging ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n’yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”
Pagninilay:
Alin ang gusto mo, fake o totoo? Syempre gusto natin ang katotohanan. Kaya nga lagi nating sinasabing: Check it out!
Sa Mabuting Balita ngayon, nagbabala si Jesus tungkol sa mga Eskriba at Pariseo. Nagtuturo sila ng Batas pero hindi naman nila ito sinusunod. Mga ipokrito sila! Ipinaparada nila ang mga panlabas na palatandaan ng kanilang kabanalan. Iginigiit nila ang mga maliliit na utos ng Batas tulad ng paghuhugas ng kamay, at ng mga kaldero at kawali. Pero pinababayaan at bina-balewala nila ang pangangalaga sa mga magulang at pakikiramay sa mga nangangailangan. Gusto nila ang upuang pandangal, pagpu-pugay ng mga tao at matawag sila na, Maestro! In short, gusto nilang mabigyan ng importansiya at special treatment. Hindi ba ito rin ang nakikita natin sa lipunan ngayon? May mga lider sa relihiyon na nag-aakalang banal sila, pero hindi naman nila pinapansin ang hinaing ng mga mahihirap. Meron ding lingkod daw sa gobyerno na gustong matawag silang “Your Honor!” pero umaalingasaw naman sa katiwalian. Feeling entitled sila sa pribilehiyo at paggalang! Sabi ni Hesus: “Ang pinakadakila ay dapat na maging alipin; ang nagtaas ng sarili ay ibababa, at ang mababa ay itataas.” Pinatungkol ni Jesus ang pinakamasakit na salita sa ebanghelyo sa mga mapagkunwaring mga Pariseo dahil huwad sila. Si Hesus ang Katotohanan, Daan, at Buhay. Sinumang namumuhay sa katotohanan ay sumusunod sa daan ni Jesus at nakasusumpong ng buhay na walang hanggan. Kapanalig, madali ba ang magpakatotoo? Mahirap, hindi ba? Bakit may mga taong gusto ng maskara, make-up, dark glasses? Bakit tayo nagsasabi ng half-truths at white lies? Sinabi ni Jesus, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa iyo.” Oo, dahil ang katotohanan ay kapangyarihan. Ito rin ay kagandahan. Nagniningning katulad ng araw, at marikit na tulad ng buwan ang tapat na tao.
Manalangin tayo: Hesus Banal na Guro, bigyan mo ako ng lakas ng loob na magsabi ng totoo at magpakatotoo. Amen.