Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.”
Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus….
Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
PAGNINILAY
Mga kapatid, sa pagdiriwang natin ngayon ng Immaculate Conception, mahalagang bigyang-pansin ang “Oo” ni Maria. Sa kabila ng pagkabagabag sa simula, buong pagtitiwala niya pa ring sinabi, “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Ang ‘Oo’ na ito ni Maria ang simula ng katuparan ng pangakong Tagapagligtas, na magpapabago sa mundo – dalawang libong taon na ang nakalilipas. Katumbas ng ‘oo’ ni Maria ang salitang Amen, na palagi nating sinasambit sa dulo ng ating dasal. Sagrado ang salitang Amen, dahil ito’y “Oo” na may kalakip na paniniwala at katapatan. Maging huwaran nawa natin ang ‘Oo’ ni Maria sa pagtanggap ng kalooban ng Diyos sa atin. Dahil ang pagsunod sa Kanyang kalooban, tunay na magdadaIa sa atin sa buhay na ganap at kasiya-siya.
