Daughters of Saint Paul

Disyembre 10, 2016 – SABADO Ikalawang Linggo ng Adbiyento / San Melquiades

Mt17:9a, 10-13

Tinanong si Jesus ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” Atsumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.”

            At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig binigyang linaw ni Jesus ang maling pagkakakilanlan sa pagkatao ni Juan Bautista. Napagkamalan kasi siyang – si Elias.  Magkaiba man si Juan at si Elias, mayroon silang iisang misyon – ang ihanda ang daan sa pagdating ni Jesus.  Buong sigasig nilang ipinangaral ang pagsisisi sa kasalanan, ang pinakamagandang paghahanda sa pagdating ng Mesiyas.  Paanyaya itong magbalik-loob sa Panginoon. Si Juan ang nagsisilbing konsensya o tinig sa ilang na humihikaya’t sa atin upang magsisi at magbalik-loob sa Panginoon.   Pero sa halip na tanggapin si Juan at pakinggan ang kanyang panawagang magsisi at magbalik-loob – marami  sa atin ang nagbingi-bingihan at isinasawalang bahala ang ating narinig.  Mga kapatid, ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng pasko, siguradong marami tayong pagkakaabalahan at kabi-kabila ang ating mga schedules.  Kaya kadalasan naisasawalang bahala natin ang pinaka-mahalagang paghahanda – ang paghahanda ng ating mga puso sa pagdating ng Panginoong Jesus.  Pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na maglaan ng panahong suriin ang sarili, lalo na ang ating konsensiya – para malaman kung namumuhay ba tayo ayon sa kalooban ng Diyos.  At kung sa pagsusuri ng ating budhi, natuklasan nating maraming pagkakataong sumuway tayo sa kalooban ng Diyos – lumapit tayo sa Panginoon, manikluhod at lubos na pagsisihan ang kasalanan.  Ito ang pinaka-mainam na paghahanda na maaari nating gawin sa nalalapit nang pagsilang ng ating Panginoong Jesus.  Manalangin tayo.  Panginoon, basbasan Mo po ang aking espiritwal na paghahanda sa Iyong pagdating, pagkalooban Mo po ako ng panahong  manahimik para suriin ang aking budhi, at lakas ng loob na baguhin ang masasamang gawi na naglalayo sa akin sa Iyo.  Amen.