Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 3, 2026 – Martes, Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Mateo 23:1-12

Sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon.

Pakitangtao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso nang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat.

Huwag din ninyong tawaging  ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang napapakababa.”

Pagninilay:

Ibinahagi ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa unang tingin, parang madali lang magturo ng Values Education. Pero hindi eh. Isa ito sa pinakamahirap ituro dahil hindi lang sa mga discussion or lecture sa loob ng classroom natututunan ang mga pagpapahalaga. Mas natututunan ito kung nakikitang ginagawa at isinasabuhay ng nagtuturo. Ito ang komentaryo ni Jesus sa mga Eskriba at Pariseo. Sabi sa verse 3, “gawin ninyo at tuparin ang kanilang mga sinasabi ngunit huwag tularan ang kanilang ginagawa, sapagkat hindi nila ginagawa ang kanilang sinasabi”. Magaling lang sa salita pero kulang sa gawa. Sounds familiar, no! May isa pang ayaw si Jesus. Sabi nya sa verse 5, “Ang lahat ng kanilang ginagawa ay pakitang tao lamang”. Uso rin ito ngayon. Magkakawang-gawa pero kumpleto sa media coverage at social media uploads. Kaya ito ang hamon sa atin ng Mabuting Balita: Gumawa ng kabutihan sa kapwa nang bukal sa kalooban at hindi pakitang-tao lamang. At, turuan natin ang bawat isa sa pamamagitan ng ating mabuting pakikipag-kapwa.

Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul