Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 2, 2026 – Lunes, Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Lucas 6:36-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y bibigyan -isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

Pagninilay:

Sa Mabuting Balita ngayon, isa sa tatlong haligi ng Kuwaresma ang tinutukoy, ang pagbibigay ng limos, at binibigyan tayo ng panukala kung paano ito gagawin. Kapatid/kapanalig, sa Biblia, ang pagbibigay ng limos ay isang pangunahing gawa ng kabanalan, pagmamalasakit at katarungan. Kumakatawan ito sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa nangangailangan. Pero higit po ito sa pagbibigay ng materyal na bagay. Kasama rito ang pagiging mahabagin at mapagpatawad. Kaya’t sinabi ni Jesus: “Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na nasa langit. Huwag kayong humatol; huwag kayong magparusa; magpatawad kayo.” Sa totoo lang, ito ang pinakamahirap, ‘di ba? Makakayanan nating mag-ayuno para maka-ipon ng kaunti at maibigay ang matitipid natin sa mga nagdarahop. Ang magpatawad sa mga taong nakasakit sa atin, ‘yon ang mahirap! Pero ito ang gusto ng Panginoon na ibigay natin.

Marami sa atin ang memorized na ang talatang ito: “Magbigay kayo at kayo ay bibigyan; siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo.” Kadalasan, may isang parirala o phrase ang nakakalimutan: “hustong takal o wastong sukat, siksik, liglig at umaapaw.” Noong panahon ni Jesus, hindi pa po ginagamit ang kilohan. At kahit dito sa Pilipinas, ang tradisyonal na panukat ng bigas at mga butil tulad ng munggo ay ang salop. Inabutan ko pa po ito noong bata pa ko – kuwadradong kahoy ito at katumbas ng isang salop ay mga dalawa’t kalahating kilo. Minsan po, nandadaya ang nagtitinda at kinakapalan yung ilalim na kahoy, kaya hindi na wasto ang sukat. At kahit mukhang puno na ang salop, pinagpagpag pa ito para magkasya ang mas maraming bigas kaya’t nagiging siksik. Inaalog rin ito para wala nang espasyo sa mga butil at maging liglig ang salop, hanggang sa ito’y umapaw.

Kapatid/kapanalig, ganito tayo inuutusang magpatawad at magbigay. Sa ganang atin, hindi natin ito makakayanan. Kaya’t inaanyayahan tayong magtiwala sa biyaya ng Diyos, na hindi lamang nagbibigay ng sapat, kundi nag-uumapaw na habag at pagpapala sa bawat taong nagbabalik-loob sa Kanya.

Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul