Ebanghelyo: Mateo 17:1-9
Isinama ni Hesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Hesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag.
At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Hesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap.
At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Hesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.”
At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Hesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Hesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. Ronel Delos Reyes ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. Kanino ba tayo nakikinig araw-araw? Sa sarili nating isip, sa payo ng iba, o sa takot na bumubulong sa puso? Sa dami ng ingay ng mundo: balita, social media, mga problema, madaling malunod ang tinig ng Diyos.
“Sa mundong puno ng ingay at opinyon, madaling makinig sa takot at pag-aalinlangan; ngunit ang buhay panampalataya ay nagsisimula kapag pinili nating makinig kay Jesus.” Kaya mahalagang huminto at magtanong: sino ba ang sinusunod ko? Sa Ebanghelyo ngayon, malinaw ang tinig ng Ama: “Makinig kayo sa Kanya.” Sa bundok, ipinakita ni Jesus ang Kanyang kaluwalhatian. Hindi upang aliwin ang mga alagad, kundi upang ihanda sila sa darating na krus. Isang paalala na ang paghihirap ay hindi wakas, kundi daan patungo sa buhay na walang hangan.
Madalas, mas pinipili nating pakinggan ang takot at pag-aalinlangan. At nakakalimutan nating magtiwala sa Salitang nagbibigay-buhay. Kaya ngayong panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayong tumahimik at makinig muli.
Panginoong Jesus, turuan Mo kaming pakinggan ka sa gitna ng ingay. Bigyan Mo kami ng tapang na sundan Ka, kahit mahirap ang daan. Amen.
Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul