Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”
Pagninilay:
Isinulat ni Fr. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Noong panahon ni Hesus ang panluto ay oven. May common oven ang bayan kung saan nagluluto ang bawat pamilya. Hindi kaya ng mga kahoy na panggatong lamang ang pangningas, kaya kumokolekta sila ng mga dumi ng kamelyo o asno. Hinahaluan ito ng ASIN, minomolde na parang uling at pinatutuyo sa araw. Ang pinaka-base ng oven ay blokeng ASIN at sa ibabaw ipinapatong ang mga uling na gawa sa dumi ng hayop na hinaluan ng asin. Ang asin kasi ay may catalytic property o kakayahang pagningasin ng matagal ang apoy upang manatili ang init sa oven na siyang kailangan sa pagluluto.
Sa ganitong pananaw sinabi ng ating Panginoong Hesus na kayo ay ASIN at ILAW ng mundo. Hindi sa konteksto ng panghalo sa pagkain, kundi ang gamit upang magningas, to sustain the heat of the oven, at para magliwanag. Anong punto ng ating Panginoon?
Kaya ba nating manindigan para sa turo at aral ng Panginoong Hesus. Kaya ba nating pagningasin din ang mundo, hindi sa ating pakikisamà kundi sa ating pagiging Hesus sa kapwa kahit na tayo’y kinukutya at inuusig.
Sikapin nawa nating maging ASIN at ILAW—mga bagay na nagpapaalala sa ating hindi tayo nilikha upang pagsilbihan ang sarili—tulad ng ating Panginoong Hesus—tayo’y lingkod din sa bawat isa upang tuluyang madama ang siklab, ningning, init, at ningas ng pagmamahal ng Diyos para sa ating lahat. Amen.
- Fr. Vinz Aurellano, ssp l Society of St. Paul