Ebanghelyo: Mateo 20:17-28
Nang umakyat si Hesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa. At habang nasa daan ay sinabi n’ya sa kanila, “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanyang kamatayan. Kaya ibibigay nila s’ya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus; ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw.”
Lumapit noon kay Hesus ang ina nina Jaime at Juan, kasama ang dalawa niyang anak at lumuhod sa harap n’ya para makiusap. Tinanong s’ya ni Hesus, “Ano ang ibig mo?” “Narito ang dalawa kong anak, iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong kaharian.” “Hindi n’yo alam ang inyong hinihingi, maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa para iyon sa mga hinirang ng Ama.”
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Hesus at sinabi, “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi ganito sa inyo. Ang may gustong maging dakila, s’ya ang maging lingkod n’yo. Ang may gustong mauna sa inyo, s’ya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Cl Russel Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.
Isang araw, may isang lalaking napagbigyang makaakyat sa langit para makausap ang Diyos. Sinalubong siya ng Panginoon at niyakap, tulad ng sinumang magulang na makikita ang anak na umuwi mula sa matagal na biyahe. Matapos ang kumustahan, tinanong ng lalaki ang Diyos, “Panginoon, ano ang halaga sa inyo ng isang milyong piso?” “Piso lang ang halaga ng isang milyon,” tugon ng Diyos. Tanong ulit ng lalaki, “Eh gaano naman po katagal ang sanlibong taon para sa inyo?” “Saglit lang,” muling tugon ng Diyos. Pakamot-ulo namang humingi ang lalaki, “Kung gayon, puwede po bang makahingi ng piso?” Patawang sumagot ang Diyos, “Saglit lang, anak.”
Kadalasan, hindi natin lubusang nauunawaan ang kahihinatnan ng ating mga hinihingi sa Panginoon, kagaya ng hiniling ng ina ng magkapatid na Santiago at Juan. “Mother knows best,” sabi nga nila, kaya batid natin na walang ibang hangad ang Ina kundi ang mapabuti ang kanyang mga anak sa pagsunod nila kay Hesus. Ngunit kahit anong dalisay ng mithiing ito, kapos at kulang ito sapagkat hindi nito isinama ang nais ibigay ni Hesus sa kanyang mga alagad – ang pagkakataong makapiling at makatulad siya sa lahat ng bagay, maging sa pagpapakasakit at pagkamatay upang makasalo siya sa muling pagkabuhay.
Mga kapatid/kapanalig, ang ating buhay-panalangin ba ay isang pakikipagtransaksyon o isang buháy na pakikipagrelasyon? Nakapokus lang ba tayo sa ating kahilingan o sa anumang nais ibigay sa atin ng Diyos? Ngayong Kuwaresma, panghawakan nating muli ang awa‘t pag-ibig ng Diyos at magtiwala na hinding-hindi tayo pinababayaan, anuman ang maging tugon Niya sa ating mga kahilingan.
- Cl Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul