Ebanghelyo: Lucas 16:19-31
Sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayaman na nakabihis ng magarang damit at pinong linen at parang piesta ang kanyang buhay araw-araw. Nakahandusay naman sa may pintuan n’ya ang isang dukhang nagngangalang Lazaro. Tadtad s’ya ng sugat at gusto sana n’yang kanin ang mumong nahuhulog sa hapag ng mayaman; sa halip ay mga aso ang lumalapit sa kanya at hinihimuran ang kanyang sugat.
At namatay ang dukha at dinala s’ya ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay din ang mayaman at inilibing. Nang nasa impiyerno na s’ya tumingala s’ya sa kanyang pagdurusa at natanaw sa malayo si Abraham at si Lazaro sa piling nito.
Kaya’t sumigaw siya: ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin at utusan mo naman si Lazaro na isawsaw n’ya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at paginhawahin ang aking dila dahil lubha akong naghihirap sa lagablab na ito.’ ‘Anak, alalahanin mong tinanggap mo na sa buhay mo ang mabuti sa iyo at kay Lazaro naman ang masasama. Kaya s’ya ngayon ang nasa ginhawa at ikaw ang nagdurusa.
At isa pa’y malawak na bangin ang hindi matatawid ang itinakda sa pagitan natin. Kaya hindi makatatawid ang mga may gustong pumunta riyan galing dito at hindi rin naman makatatawid ang mula riyan papunta rito.’ ‘Kaya ipinakikiusap ko sa iyo, Ama, na papuntahin mo si Lazaro sa bahay ng aking ama, kung saan naroon ang lima kong kapatid para babalaan sila upang di sila mapunta sa lugar na ito ng pagdurusa.’
‘Nasa kanila si Moises at ang Mga Propeta, makinig sila sa mga ito.’ ‘Hindi gayon, Amang Abraham; kung isa sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ ‘Kung hindi nila pakikinggan si Moises at ang Mga Propeta, hindi pa rin sila maniniwala bumangon man ang isa sa mga patay.’”
Pagninilay:
Ibinahagi si Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Ang Mabuting Balita ngayon ay tungkol kay Dives at Lazaro. Naalaala ko tuloy ang isang awit na angkop na angkop sa kuwentong ito, na malimit nating kinakanta sa panahon ng kuwaresma. “Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.”
Tayo ay tinawag ng Diyos upang maging magkakapatid sa bawat isa. Kung tayo ay pinagkalooban ng yaman, abilidad, lakas at pagkakataon na magagamit upang makatulong sa nangangailangan, ang mga ito ay hindi dapat ipagkait. We cannot be indifferent to the sufferings of others.
Hindi kasalanan ang maging mayaman, kung ang yaman ay nanggaling at lumago sa tamang paraan. Hindi kasalanan ang maging maabilidad, matalino, at mahusay sa maraming bagay. Ang mga ito ay biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Dapat tayong
matuwa at pasalamatan siya sa mga biyayang ito. Ang pinakawastong paraan ay gamitin ang mga ito sa pag-unlad hindi lamang ng ating sariling buhay, pero gayundin ng ating kapwa, ng ating kapaligiran. We are social beings. God did not create us to be alone. Ang pagkakamali ni Dives ayon sa Mabuting Balita ay ang kanyang indifference. Nabulag siya sa kayamanan at kapangyarihan. Sa material na bagay at pansariling kasiyahan lamang umikot ang kanyang kaisipan at buong buhay. Kung nakita man niya si Lazarus, hindi niya siya nakita bilang isang taong may dignidad, kundi isang eye sore, walang halaga, disposable.
Mag-ingat tayo na hindi mahulog ang sarili sa ganito. Huwag nating pabayaan na malulong ang sarili sa paniwala na ang yaman, kapangyarihan, abilidad, at talino ang be-all and end-all ng ating existence dito sa mundo. Alalahanin natin na lahat ay naglalaho, pero ang pag-ibig ay nananatili. Pag-ibig sa Diyos, at pag-ibig sa kapwa.
Kapatid/kapanalig, napakaraming Lazaro sa ating paligid, sa lipunan na ating ginagalawan. Bukas ba ang iyong mga mata at puso sa kanila? Nakikita mo ba sila bilang tao na may dignidad na katulad mo?
- Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul