Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Marso 6, 2026 – Biyernes, Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Ebanghelyo: Mateo 21:33-43, 45-46

Sinabi ni Hesus  sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo.

Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugbog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong subalit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila.

Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.’ Kaya sinunggaban nila siya, at inilabas sa ubasan at pinatay.

 Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?”  “Hindi nila kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan. ”At sumagot si Hesus: “hindi n’yo ba nabasa sa Kasulatan? ‘Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo.

Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.’ Kaya  sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito. Nang marinig ng mga Punong-pari at nga Pariseo ang mga talinhagang ito, nauunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Hesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Minsan, nasa piano recital ang isang bata na takot na takot. Pero noong tumingin siya sa audience nakita niya agad ang kanyang daddy na nakangiti at kumakaway. Agad na nagkaroon ng lakas na loob ang bata para magsimula.

Minsan para rin tayong nasa entablado ng buhay – lantad, kinakabahan, at natatakot magkamali. Mga sandaling ramdam natin ang bigat ng inaasahan, ang takot na mabigo, at ang pangambang hindi maging sapat. At katulad ng may-ari ng ubasan sa talinhaga ni Hesus, naranasan din natin ang pagtanggi, ang hindi maunawaan, at ang masaktan – lalo na kapag ito’y nagmumula sa mga taong pinakamalapit sa atin.

Sa gitna ng lahat ng ito, inaanyayahan tayo na huwag mawalan ng pananampalataya. Paalala ang panahon ng Kuwaresma na ang Diyos, tulad ng may-ari ng ubasan sa Ebanghelyo, ay patuloy na nagpapadala ng mga tao, ng mga pagkakataon, at ng mga paalala bilang tanda ng Kanyang malasakit at awa. Hindi lamang nakamasid ang Diyos sa malayo. Siya ay Ama – malapit  umiibig, at tapat. Ang swerte natin! Ang Diyos ay natutuwang magpatawad, kahit paulit-ulit Siyang nasasaktan at tinatanggihan dahil sa ating mga pagkakasala at pagkukulang. Nawa’y magkaroon tayo ng pusong bukás at handa rin magtiwala sa Kanya. Amen.

Fr. JK Maleficiar, ssp l Society of St. Paul