Ebanghelyo: Lucas 15,1-3, 11-32
Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas, “Tinatanggap n’ya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay n’yo na sa akin ang parte ko sa mana.’
At hinati sa kanila ng ama ang mga ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon n’ya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ‘yon at nagsimula siyang maghikahos.
Kaya’t pumunta s’ya at namasukan sa isang taga-roon at inutusan s’yang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana n’yang punuin kahit na ng kaning baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon s’ya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom.
Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo, ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama. Malayo pa s’ya ng matanaw ng kanyang ama at naawa ito. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan.
Sinabi sa kanya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo, hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin n’yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya. Suotan nyo ng singsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa.
Dalhin at katayin ang pinatabang guya. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak.
Nang pauwi na s’ya at malapit na sa bahay, narinig n’ya ang tugtugan at sayawan. Tinawag n’ya ang isa sa mga utusan at tinanong sa kanya.
‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi n’ya s’yang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Datapuwat sumagot sa kanyang ama, ‘Ilang taon na akong naglilingkod sa ‘yo na di lumalabang sa iyong mga utos at kailan man ay hindi mo ako binigyan ng kahit na isang maliit na kambing na ipagkakatuwa namin ng aking mga kaibigan.
Datapuwa’t ng dumating ang anak mong ito na naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae, pinatay mo ang pinatabang baka.’ Ngunit sinabi sa kanya ng ama, ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.’”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Anne Loraine Santos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.
Gutom. ‘yan ang naranasan ng bunsong anak na winaldas ang kanyang mana sa talinghaga sa Mabuting Balita ngayon. Mapapansin natin na sa kabilang banda ay mabuti ang naging dulot ng gutom na ‘yon. Gutom ang naging sanhi upang matauhan siya at maalala niya ang kanyang tunay na pagkatao. Gutom ang gumising sa kanya upang mapagtanto niya na siya ay nagkasala. Gutom ang nagbalik sa kanya sa piling ng kanyang mapagmahal na ama. Ikaw, kapatid/kapanalig, saan ka dinadala ng gutom mo? Batid kong madalas hindi pa nga pisikal na gutom ang iyong nararanasan. Maaaring gutom sa pagmamahal, atensyon, pag-unawa, o minsan pa nga ay ang gutom na malaman ang purpose mo sa buhay. Minsan hindi rin natin napapansin na pinupunan natin ang gutom na ito sa ating sariling kakayahan, sa pag-post upang makaani ng likes o comments, sa papuri ng ibang tao, sa pagiging overworked at perfectionist sa trabaho, sa satisfaction sa pagbili ng materyal na bagay at marami pang iba. Marahil sa panandaliang pagkakataon ay gumagaan ang ating pakiramdam at para bang napupunan ang ating gutom. Ngunit magigising tayo kinabukasan na gutom na naman at tila ba mas lumalim ang gutom na ito. Kapatid/kapanalig, tulad ng aral sa ating Mabuting Balita, tanging ang pagmamahal ng ating Ama sa langit, at ang ating kaalaman nito, ang tunay na makakapuno sa mga gutom natin. Nawa dalhin tayo ng bawat gutom natin kay Hesus, ang tinapay ng buhay, na kung sino man ang lalapit ay di na magugutom kailanman.
Sr. Anne Loraine Santos, fsp l Daughters of St. Paul