Ebanghelyo: Mateo 28:1-10
Kinahapunan ng Araw ng Pahinga, sa paglabas ng unang bituin, sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria para tingnan ang libingan. Walang anu-ano’y lumindol nang malakas at bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at nilapitan ang bato, pinagulong ito at naupo roon. Parang kidlat ang kanyang mukha at singputi ng niyebe ang kanyang damit.
Nanginig sa takot ang mga bantay at naging parang mga patay. Sinabi ng Anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. Tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya. Pumunta kayo agad ngayon at sabihin sa inyong mga alagad na muli siyang nabuhay at mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon.
Ito ang mensahe ko sa inyo.” Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad.
Nakasalubong nila sa daan si Hesus at sinabi nya; “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya.
Sinabi naman ni Hesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
Pagninilay:
Ipagdiriwang natin ngayon ang gabi ng lahat ng mga gabi—ang magdamagang paghihintay natin sa muling pagkabuhay ni Hesus. Ginagawa natin ang liturhiyang ito sapagkat ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagpapatunay na totoo ang sinabi ni Hesus—na siya nga ang Anak ng Diyos! Dahil tanging ang Diyos lamang ang maaring gumapi sa kamatayan.
Bilang isang tao, ipinakita sa atin ni Hesus ang bagong destinasyon ng ating buhay dito sa mundo. Hindi na tayo magwawakas sa kamatayan—lahat tayo ay tutungo sa Muling Pagkabuhay. Ngunit ang nag-iisang direksyon patungo roon ay ang Daan ni Kristo. Kaya naman ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay hindi lamang isang katibayan—isa itong hamon sa atin.
Kung nais nating makamit ang muling pagkabuhay, inaanyayahan tayong mamuhay at sumunod sa daan ni Hesukristo!
Manalangin tayo. Panginoong Hesus, isama at ituro mo sa akin araw-araw ang iyong daan, nang sa gayon ay makamit ko rin ang biyaya ng muling pagkabuhay. Amen.
- Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul