Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 3, 2026 – Biyernes Santo

Ebanghelyo: Juan 18:1-19, 42

          Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Hesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila.

          Pagkaraan nito, nakita ni Hesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa esopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Hesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay nya ang espiritu.

          Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay.

          Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagkasapit nila kay Hesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.

Pagninilay:

Kung nagbabalik-loob tayo sa Diyos madalas sinasabi natin: “gusto ko nang magbagong buhay dahil gusto ko nang makita o mahanap ang Diyos sa buhay ko.” Mga kapanalig, akala natin tayo ang naghahanap sa Diyos pero ang totoo siya ang naghahanap sa atin. Ang Diyos sa katauhan ng ating Panginoong HesuKristo ang nakahanap sa atin.

          Ngayong Araw na ito, ang pagkamatay o ang pag- aalay ng buhay ng ating Panginoong Hesukrsto ang patunay na tayo ay hinanap, natagpuan at ibinalik ni Hesus sa kanyang piling. Habang nakabayubay ang ating Panginoon sa Krus, narinig natin ang kanyang sinabi: “Nauuhaw ako.” Matatandaan natin na si Hesus ang nangako sa babaeng Samaritano na siya ang nagbibigay ng tubig. Sa pagkakataong ito si Hesus ang nauuhaw at humihingi ng tubig.

          Mga kapanalig, nauuhaw ang Diyos hindi sa tubig kundi sa ating pagmamahal. Our Lord Jesus Christ willingly spread his arms on the cross to show and to tell us: “This is how much I love you.” Ipinakita ni Hesus ang dakila niyang pagmamahal niya sa atin sa Krus. Tayong lahat ay nakaranas ng pagmamahal ni Hesus. Kaya naman ang bilin niya sa atin: “Magmahalan kayo, gaya ng ipinakita kong pag-ibig sa inyo.” Sa pamamagitan ng pagmamahalan natin, mapapawi natin ang uhaw ni Hesus.

          Mga kapanalig, kung pag-ibig lamang sana ang naghahari dito sa mundo, hindi sana natin nararanasan ang pagtaas ng presyo ng gasolina o mga bilihin na dulot ng mga giyera na nangyayari dito sa mundo. Kung pag-ibig lang sana ang naghahari sa mundo, hindi sana tayo nakakaranas ng kakulangan ng mga silid-aralan o kaya ng pagbaha dulot ng korupsyon. Kung pag ibig lang sana ang naghahari sa mundo, hindi tayo mangangambang maglakad sa daan kahit sa gabi. Nawa isang araw, masabi rin natin kagaya ni Hesus: “Ganito ko kayo kamahal.”

  • Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul