Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 2, 2026 – Huwebes Santo

Ebanghelyo: Juan 13:1-15

          Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Hesus na dumating na ang kanyang oras upang tumawid mula sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Hesus na ipagkakaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik.

          Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya.

Nang lumapit sya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya: ‘Panginoon, ikaw ba ang maghuhugas sa aking mga paa?’, Sumagot si Hesus: Hindi mo nauunawaan ngayon ang aking ginagawa ngunit mauunawaan mo makaraan ang mga ito. Sinabi sakanya ni Pedro: ‘Hinding-hindi mo huhugasan ang aking mga paa magpakailanman.

Sumagot si Hesus sa kanya: Kung hindi kita huhugasan wala kang kaugnayan sa akin, sinabi sa kanya ni Simon Pedro: Panginoon, hindi lamang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo. Sinabi sa kanya ni Hesus: Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo nyang sarili, malinis na nga kayo subalit hindi lahat.

          Kilala na ni Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya dahil dito kaya nya sinabi: “Hindi lahat kayo’y malinis”, kaya ng mahugasan nya ang kanilang paa, kinuha nya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kong ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo’y tumatawag sa aking “Guro at Panginoon.”

Tama ang pagsasabi nyo dahil ako nga, kaya kong hinugasan ko ang inyong paa ako na syang ‘Panginoon’ at syang ‘Guro’, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t-isa.

          Isang halimbawa ang ibinigay ko sainyo upang gawin n’yo gaya ng ginawa ko sainyo.

Pagninilay:

          Ibinahagi po ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Isang mapagpalang simula ng Paschal Triduum sa ating lahat. Ngayon ay Maundy Thursday, isang napakahalagang araw sa ating pananampalataya. Sa pagdiriwang na ito, ipinapagsangayon ang Huling Hapunan, kung saan itinatag ni Jesus ang Sakramento ng Eukaristiya—ang patuloy na presensya ng Kanyang pag-ibig sa gitna natin. Kasabay nito, masasaksihan din natin ang isa pang mahalagang ginawa ni Jesus noong gabing iyon—ang paghuhugas ng paa ng Kanyang mga alagad.

          Alam ba ninyo na sa panahon na iyon, ang paghuhugas ng paa ay trabaho ng alipin? Ngunit si Jesus—ang Panginoon at Guro—ang gumawa nito. Para bang sinasabi Niya sa kanila at sa atin: “Kung ako na inyong Panginoon ay naglingkod sa inyo, kayo rin ay maglingkod sa isa’t isa.”

          Kaya ang Maundy Thursday ay hindi lamang tungkol sa isang ritwal. Ito ay isang paanyaya sa isang buhay ng paglilingkod. Sa isang banda, masasabi nating ang araw na ito ay preview ng Good Friday. Ang hapunan ay tanda ng sakripisyo sa krus, at ang tinapay at alak ay ang katawan at dugo na iaalay para sa kaligtasan ng lahat.

Sa madaling salita, ipinapakita ni Jesus kung gaano kalalim ang Kanyang pag-ibig—isang pag-ibig na handang magpakumbaba, maglingkod, at magsakripisyo.

          Kaya ngayon, ang tanong para sa atin ay simple ngunit malalim: Handa ba tayong tularan ang paglilingkod ni Jesus? Handa ba tayong magpakumbaba, magpatawad, at mag-alay ng sarili para sa kapwa?

          Mga kapanalig, habang sinisimulan natin ang Paschal Triduum, hilingin natin ang biyayang ito: na tulad ni Jesus ay matuto tayong maglingkod. Because true greatness in the Kingdom of God is not found in power, but in humble service and sacrificial love. Amen.

  • Fr. Ramil Tapang, ssp | Society of St. Paul