Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 1, 2026 – Miyerkules Santo

Ebanghelyo: Mateo 26:14-25

          Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay n’yo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.

          Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Hesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Hesus: “Puntahan n’yo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.’”

          At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Hesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Hesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin.

          Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Hesus: “Ikaw na ang nagsabi.

Pagninilay:

          Ibinahagi po ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Miyerkules Santo po ngayon, na tinatawag ding Spy Wednesday. Inaanyayahan tayong pagnilayan ang kakayahan nating magkanulo, maging makasarili, at magtaksil sa Diyos. Sa Mabuting Balita ngayon, nagplano si Hudas Iskariote na ipagkanulo si Hesus sa mga Pariseo.

          Kapanalig, God created us with a free will. Palagi niya tayong binibigyan ng biyaya na mamuhay ayon sa kanyang banal na kalooban. At ano iyon? Ang sumunod sa landas na inilatag niya para sa atin upang makasama niya sa langit. Pero, mayroon tayong malayang pagpapasya o free will, at hindi iyon pakikialaman ng Diyos. Palagi niya itong igagalang anuman ang mangyari. Kaya naman napakahalaga na laging manalangin, at humingi ng awa sa Panginoon, para sa kanyang patnubay.

Sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma: “Hindi ko maintindihan ang ginagawa ko; sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto kong gawin, kundi ang ginagawa ko ang siyang kinasusuklaman ko.”

          Bakit nangyayari ito? Because we are weak human beings. Kung aasa lamang tayo sa sariling kakayahan, di natin kaya. We need the grace of God. Ang grasya ng Diyos ang nagpapatibay sa atin. Ang nagbubukas sa ating mga mata at isipan para makita at ma-acknowledge ang ating pagkakamali at nagawang kasalanan.

          Gaano man kalaki ang kasalanan o pagkakamali na nagawa natin, hindi nauubos ang awa ng Panginoon. What is expected from us ay maging humble at aminin ang nagawang kasalanan, pagsisihan ito at humingi ng tawad sa Diyos. Hindi siya mag-aatubiling ibigay ito sa atin. Pinatawad ni Hesus si Pedro sa kabila ng pagtatatwa niya. Siguro kung humingi lang ng tawad si Hudas katulad ng ginawa ni Pedro, buong pusong ibibigay ni Hesus ang kapatawaran. Marahil naghihintay lamang ang Diyos na marinig iyon kay Hudas. Pero hindi niya ito ginawa. And the Lord respected his free will.

          Kapanalig, huwag tayong mag-atubiling lumapit sa Panginoon. Huwag tayong magmatigas. Buong kababaang-loob nating aminin ang ating kasalanan, pagsisihan at talikuran ito. Dadaloy mula sa mahabaging puso ni Hesus ang kanyang patawad at tatagos sa ating buong pagkatao.

  • Sr. Pinky Barrientos, fsp | Daughters of St. Paul