Ebanghelyo: Juan 13:21-33, 36-38
Nabagabag sa kalooban si Hesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagkatinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Hesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Hesus. Kaya tinanguan ito ni Simon Pedro upang usisain si Hesus kung sino ang kanyang tinutukoy.
Kaya paghilig niya sa dibdib ni Hesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Hesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibinigay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas.
Kaya sinabi sa kanya ni Hesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon.
Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Hesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon.
Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.”
Sumagot si Hesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Cl Anjon Mamunta ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. “Sige, okay lang. Sanay na naman ako masaktan.” Siguro narinig na natin ang mga linyang ito, o minsan ay nabasa na sa social media. Madalas sinasabi ito kapag alam nating may darating na sakit. Parang sinasanay na natin ang sarili sa sakit para hindi na gaanong masaktan. Pero sa likod ng mga salitang ito, may takot, may panghihina, at may bigat na pilit nating itinatago. Sa mga araw na ito ng Semana Santa, mas ramdam natin ang ganitong katahimikan at bigat ng loob.
Sa Ebanghelyo ngayon, nakita natin si Hesus na lubhang nabagabag, hindi Niya ikinubli ang Kanyang nararamdaman. Sa hapag kasama ang Kanyang mga alagad, inamin Niya ang Kanyang takot at ang sakit ng nalalapit na pagtataksil. Alam Niya na isa sa kanila ang magtatraydor sa Kanya, at alam din Niya na itatanggi Siya ni Pedro. Ngunit kahit alam Niya ito, patuloy pa rin Siyang nakipag-salo, nakipag-usap, at nagmahal. Hindi Niya sila pinilit na magbago. Ipinakita Niya na alam Niya ang kanilang gagawin, at hinayaan pa rin silang pumili. Ito ang pag-ibig ni Hesus: pag-ibig na bukas sa sakit, pag-ibig na hindi umatras kahit na ito ay nangangahulugang kamatayan sa krus.
Mga kapatid, habang papalapit tayo sa krus, tinatanong tayo ng Ebanghelyo: Kapag nahaharap tayo sa sariling kahinaan at takot, ano ang pipiliin natin? Lalayo ba tayo tulad ni Hudas, o mananatili kahit babagsak tulad ni Pedro? Sa mga araw na ito, inaanyayahan tayo ni Hesus na maging tapat sa ating sarili at sa Kanya. Sapagkat kahit alam Niya ang ating mga pagkukulang, pinili pa rin Niya tayong mahalin hanggang wakas.
- Cl Anjon Mamunta, ssp l Society of St. Paul