Gen 37:3-4, 12-13a, 17b-28a – Slm 105 – Matthew 21:33-43, 45-46
Matthew 21:33-43, 45-46
Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: “Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagatayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugnog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan.
Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila.
Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang 'Igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.' Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay.
Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaan ang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.”
At sumagot si Jesus: “Hindi n'yo ba nabasa sa Kasulatan? 'Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.' Kaya sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.
Nang marinig ng mga Punong-pari at mga Pariseo ang mga talinhagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang Propeta.
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang talinhagang narinig natin, tumutukoy sa maraming propetang ipinadala ng Ama upang ihanda ang bayang Israel sa pagdating ng Kanyang Anak. Pinagpapatay ang karamihan sa mga Propetang ito. At para bang sinasabi sa talinhaga na ganoon din ang gagawin sa bugtong na Anak ng Ama. Tinanggihan at hindi kinilala ng bayang Israel si Jesus. Pero hindi dito nagtatapos ang kuwento ng kaligtasan. Hindi uurungan ng Diyos ang pagtanggi ng tao sa Kanyang plano, sa halip gagawa Siya ng paraan – ng bagong plano para maipagpatuloy at matupad ang Kanyang hagaring mailigtas tayo. Kaya nga sinasabi sa talata apatnapu’t tatlo, “Aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapagpapalago nito.” Mga kapatid, ang Simbahan ang bayang ito. Ang Simbahan ang bagong Israel. Paano mo pinahahalagahan ang iyong pananampalataya bilang kasapi ng Simbahang itinatag ni Kristo?