Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 30, 2026 – Huwebes, Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 13:16-20

Sinabi ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito.

 “Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga kapag ito ay nangyari.

 “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”

Pagninilay:

          Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.

Sa Mabuting Balita ngayon, narinig natin ang sinabi ni Jesus pagkatapos Niyang hugasan ang paa ng Kanyang mga alagad-isang gawaing pang-alipin—marumi, mababa, at hindi kanais-nais, “Ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon.” Kung ang Panginoong Jesus mismo nagpakumbaba at naglingkod, ano ang karapatan nating umiwas sa paglilingkod?

          Sa mundo ngayon, posisyon, titulo, at kapangyarihan ang madalas na sukatan ng tagumpay. Nais nating umangat, makilala, igalang. Ngunit iba ang sukatan ni Jesus. Para sa Kanya, nasa kababaang-loob at pagmamahal na handang maglingkod kahit walang nakakakita ang tunay na kadakilaan.

Hindi sapat ang alam lang natin ang tama. Marami ang magaling mag-quote ng mga verses sa Bible, pero kakaunti ang handang maghugas ng paa—handang magpatawad, umintindi, magpakumbaba.

          Ramdam ko ang sakit nung binanggit ni Jesus ang pagtataksil sa Kanya ng taong kumakain na kasama Niya – ipagkakanulo siya nito. Opo mga kapanalig, hindi porke’t gumagawa ka ng kabutihan hindi ka na masasaktan. Dahil sa gitna ng lahat ng pagpapaIang handog ni Jesus, marami ang hindi nakaunawa sa kanya, maraming nagnais na saktan at pinagtaksilan Siya ng isa sa kanyang pinakamalapit na alagad. Hindi nalalayo ang karanasan ng marami sa atin sa karanasan ni Jesus. Nasaktan, hindi naunawaan, at pinagtaksilan. Ngunit hindi ito dahilan para tumigil sa paggawa ng tama at mabuti.

          Ano ang hamon sa atin ngayon? Tinatanggap ba natin ang mga taong ipinapadala ng Diyos sa ating buhay kahit mahirap silang mahalin?

Mga kapanalig, sa pamilya mo, sa trabaho, sa komunidad, saan ka tinatawag           maghugas ng paa? Saan ka dapat magpakumbaba, magpatawad, maglingkod, at magmahal na walang hinihintay na kapalit? Sa pagtulad kay Jesus nararanasan ang tunay na pagpapala.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul