Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako subalit pabalik ako sa inyo.’ Kung minhal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama.
“Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.”
Pagninilay:
Dati, akala ko ang kapayapaan ay masusumpungan kapag tahimik lang ang buhay, walang kaaway at hindi nakikisangkot sa gulo ng mundo. Pero hindi pala laging ganoon. Kasi minsan kailangan mong magsalita, lumaban para sa katotohanan at hustisya dahil ang pananahimik ay pagsuko sa kawalan ng katarungan at pagkunsinte sa mga naghahasik ng kasinungalingan. Kaya ang tanong ko, paano magkakaroon ng kapayapaan sa mundong kailangan mong lumaban at manindigan sa tama? Kapanalig, bago pa ipako sa krus si Hesus at kahit noong siya’y muling nabubuhay, magulo na ang mundong ginagalawan ng kanyang mga alagad. Batid ni Hesus ang takot sa kanilang puso kaya bago pa man siya lumisan ay ibinigay nya sa kanila ang kapayaang makalangit. Ang kapayapaang hatid ni Hesus ay naghahatid ng kapanatagan ng kalooban kahit sa gitna ng kaguluhan ng mundo dahil nananalig tayo na may Diyos na pumapatnubay sa atin at nakakaalam ng kahihinatnan ng lahat ng bagay dito sa mundo. Kailangan lang nating ayusin ang ating relasyon sa Diyos, sa sarili, sa ating kapwa at sa ating kapaligiran upang mapasa atin ang kapayapaan ni Hesus. Kapanalig, nawawala sa atin ang kapayapaan ng kalooban kapag natatakot tayo o sobrang nag-aalala. Maaring naramdaman din ito ni Hesus noong alam niyang malapit na syang mamatay sa krus subalit payapa ang kanyang puso dahil alam niyang naaayon sa Kalooban ng Ama ang lahat ng nangyayari sa Kanya. Ikaw Kapanalig, nakakatulog ka ba ng mapayapa?
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul