Ebanghelyo: Juan 15:1-8
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga.
“Malinis na kayo dahil sa wikang bini gkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo.
“Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab.
“Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”
Pagninilay:
Ano ang pinaka-malaking kasinungalingan sa mundo? Sa dami ng kasinungalingan na umiiral ngayon, sa lipunan at pulitika, ano nga ba ang pinaka-malaking kasinungalingan na laganap ngayon? Sinasabi na ito ang ilusyon at kasinungalingan na kaya nating mabuhay kahit wala ang Diyos. At marami sa atin ang nabubuhay nang ganito. Marami na ang hindi nagdadasal sa Diyos. Marami na rin ang hindi nagsisimba. Ganun din ‘yung mga tinatawag na nominal Christians o Kristiyano lang sa pangalan. Ang buhay nila ay malayo sa hinihingi sa isang tunay na tagasunod ni Kristo.
Kaya ang paalala sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo, manatili kayo sa akin. To remain in me. Hindi lang ito pagiging passive na pananatili kundi isang paulit-ulit at intensyonal na pagpili kay Hesus. Inihalintulad tayo ni Hesus sa isang sanga ng ubas na kailangan nakakapit at naka-konekta sa puno upang mamunga at manatiling buhay. Ang sino mang lumayo at putulin ang koneksyong ito ay mawawalan ng saysay.
Ang santong ipinagdiriwang natin ngayon ang isa sa magandang halimbawa ng ganitong buhay. Sa murang edad, pinili niya ang buhay kabanalan lalo na nang makilala niya si St. John Bosco na naging kanyang patnubay. Ang kanyang motto: death, but not sin. Mas pipiliin pa niya ang kamatayan sa halip na magkasala at malayo sa Panginoon. Sa kanyang buhay ipinakita niya ang kabalan sa mga simpleng pamamaraan o yung ordinary holiness, sa pagiging masiyahin at pagtulong sa kapwa.
Santo Domingo Savio, ipanalangin mo kami. Amen.
Fr. Keive Dimatatac, ssp l Society of St Paul