Ebanghelyo: Juan 15:9-11
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.
Pagninilay:
God is the source of all love. We learn to love others in imitation of Hesus. Ipinakita sa atin ni Hesus ang tunay na pag-ibig, kung paano mahalin ang kapwa, kahit na ang taong nakasakit sa iyo, at kahit mga taong mahirap mahalin.
Ani Hesus sa Mabuting Balita sa araw na ito, “manatili sa aking pag-ibig katulad ng aking pananatili sa pag-ibig ng Ama.” Ang Diyos ang pinagmumulan ng tunay na pag-ibig. Natututo tayong magmahal sa iba bilang pagtulad kay Hesus. Ang pag-ibig ng Diyos para sa atin ay higit pa sa isang emosyon o mapagmahal na pagmamalasakit. Ang Kanyang pag-ibig ay isang kaloob ng Kanyang Sarili, na naglalapit sa atin sa pakikiisa sa Kanya. Ang “manatili” sa pag-ibig ni Hesus ay nangangahulugang mabuhay, kumilos, at umiral sa Kanyang presensya. Kung sumusunod tayo sa mga kautusan ng Diyos, ito ay hindi mahirap isabuhay. Dahil ang utos ng pag-ibig ay nabubuo lamang sa dalawang mahahalagang punto: pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa. Hindi natin maaangkin na mahal natin ang Diyos kung wala tayong malasakit at pagmamahal sa kapwa.
May kasabihan na “love makes the world go round.” Ang pag-ibig ang nagpapaikot sa mundo. Kadalasan nga sinasabi natin ito nang pabiro. Pero kung pagninilayan natin ng malalim ang meaning, matatanto natin ang katotohanan ng kasabihang ito. ‘Di ba ang pag-ibig ang dahilan kung bakit nilikha ng Diyos ang mundo, ang tao? Ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos sa tao ang tanging dahilan kung bakit inialay niya ang sarili sa krus at kamatayan.
Kapanalig, sikapin nating ipakita sa bawat aspeto ng buhay ang pag-ibig ng Diyos: sa mga simpleng bagay, katulad ng pagtulong sa nangangailangan, magbigay ng panahon sa kapwa, magpatawad sa nakasakit sa atin, and by walking the extra mile for others. Ang ganitong uri ng pag-ibig ang isinabuhay ni Santa Rosa Venerini, na ipinag-diriwang natin ngayon. Ginamit niya ang kanyang talino, yaman, lakas at panahon para bigyan ng religious instruction ang mga kabataan at mailapit sila sa Panginoon. Isang konkretong paraan ito ng pagpapakita at pags-share ng pag-ibig ng Diyos sa kapwa.
Kapanalig, ang tunay na pag-ibig ay banal. Hindi ito nagmumula sa atin kundi dumadaloy mula sa Diyos patungo sa atin at sa pamamagitan natin. Ang pag-ibig na ibinabahagi natin sa kapwa ay pag-ibig na itinanim ni Kristo sa ating puso.
- Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul