Ebanghelyo: Juan 15:12-17
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya.
“Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.
“Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
Pagninilay:
“Mag-ibigan sana kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo”. Ito ang huling habilin ni Hesus sa kanyang mga alagad. Maraming kulay ang pag-ibig. May pag-ibig na mapag-angkin: “Akin ka at akin lang. O, dictatorial: “Sa bahay na ito, ako ang masusunod.” O mapagbigay: “Sabihin mo kung ano ang makapagpaligaya sa iyo, pagsikapan ko kahit gaano kahirap.” Kung gusto nating magmahal katulad ni Hesus, tingnan natin kung paano siya nagmahal. Sa kanyang pagmamahal sa Ama, sinunod niya ng lubus-lubos ang kalooban niyo. Siya na Diyos ay nagpakumbaba, naging tao, katulad natin sa lahat na bagay, maliban sa kasalanan. Ang pag-ibig ay nagpaparaya sa minamahal. Namuhay siyang mahirap, tumanggap ng mga paglait at rejection, ipinahiya, sinaktan at ipinako sa krus! Para sa atin! Ang pag-ibig ay nagbibigay ng walang-pasubali. Walang tinitira sa sarili. Gusto ni Hesus na mapunta tayo sa langit. Ngunit hindi tayo pinipilit. Hinahayaan niya tayo na magdesisyon sa ating sarili, sumunod sa kalooban Ama at mamuhay sa kabanalan. Ang pag-ibig ay rumerespeto sa kalayaan ng minamahal. Para sa mga Pariseo na kumutya sa kanya at sa mga Romano na nagtorture at nagpapako sa kanya sa krus, pagpatawad at dasal ang ganti ni Hesus. Tayo? Ano ang kulay ng ating pag-ibig? Sa Diyos, sa ating pamilya, sa mga kaibigan, sa mga estranghero, sa mga kaaway? Hindi natin kaya ang umibig katulad ni Hesus, kasi likas tayong makasarili. Pero, may solusyon: hingiin natin ang kakayahang umibig tulad niya.
Mahal na Panginoong Hesus, ipadala mo po ang Holy Spirit na magbibigay sa amin ng gift of Love upang matuto kaming magmahal katulad mo. Amen.
- Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul