Ebanghelyo: Juan 15, 18-21
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin Ninyo na ako muna bago kayo ang kinapootan. Kung kayoy mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo, kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo, walang utusan na mas dakila sa kanyang Panginoon, Hindi bat inusig nila ako. Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita, ganun din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nag padala sa akin.
Pagninilay:
Malaking takot sa akin noong gusto kong pumasok sa kumbento ang pangamba na paano kung hindi ko ito makayanan? Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapaalaala ni Hesus na ang pagsunod sa kanya ay hindi madali. Kung Siya ay kinamuhian ng mundo, gayundin ang Kanyang tagasunod.
Mga kapanalig, may sariling pamantayan ang mundo at madalas ito’y salungat sa katotohanan ng Diyos. Kapag pinili nating mamuhay ayon kay Kristo, tayo’y nagiging kakaiba sa paningin ng marami. Ngunit ang pagiging “iba“na ito ay tanda ng ating pagiging sa Diyos. Hindi tayo dapat magtaka kung may pagtanggi o pagsubok. Tiyak marami, subalit sa aking karanasan bunga na rin ng panalangin at pagninilay, naniniwala ako na mas malaki at mas malawak ang grasya ng Diyos keysa aking kahinaan.
Madalas ang pag- ibig ay pagtayo para sa Kanya sa gitna ng pagsubok at pangungutya. Subalit sa pamamagitan nito, inaanyayahan tayong manatiling matatag. Ang ating pagkakalinlanlan ay hindi nakasalalay sa opinyon ng mundo. Nakaugat ito sa pag-ibig ng Diyos na tumawag sa atin. Pinili tayo mula sa mundo upang maging Kanya. Ito ay biyaya at misyon. Biyaya, dahil tayo’y minahal at tinawag. Misyon, dahil inaasahan tayong magpatotoo sa gitna ng mundo. Sa bawat pagtanggi, nawa’y maalaala natin ang Kanyang pagdurusa. Hindi Siya umatras sa kanilang pagpapakasakit at pangungutya. Sa halip, ipinakita Niya ang tunay na pag-ibig hanggang wakas. Kapanalig, tayo rin ay tinatawag na magmahal, kahit mahirap. Ang pagsunod kay Hesus ay landas ng katapatan, hindi ng kaginhawahan. Ngunit sa landas na ito, naroon ang tunay na buhay at kagalakan.
Panalangin: Panginoon, bigyan Mo po kami ng lakas na manatiling tapat sa iyo. Sa gitna ng pagsubok at pagtanggi, tulungan Mo po kaming magmahal at magtiwala. Amen.
- Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul