Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 18, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Juan 16:29-33

Sinabi ng mga alagad kay Hesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na namin ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito’t parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili—at ako naman ay iiwan n’yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”

Pagninilay:

Patuloy po ang ating paglalakbay ngayong Karaniwang Panahon o Ordinary Time! Minsan, tulad ng mga alagad, pakiramdam natin ay malinaw na ang lahat. “Naniniwala kami, Panginoon.” Pero alam ni Hesus ang mas malalim na katotohanan: madaling magpahayag ng pananampalataya kapag maayos ang lahat, pero nasusubok ito kapag dumating ang mga pagsubok sa buhay. Diretsahang sinabi ni Hesus: “Magkakawatak-watak kayo… iiwan ninyo ako.” Masakit ito, pero totoo. Nanghina, natakot, at tumakbo kahit ang mga pinakamalalapit sa Kanya. Ganyan din tayo. Kapag dumating ang mga suliranin—sakit, kabiguan, takot—minsan parang napapalayo tayo sa Panginoon. Hindi dahil ayaw natin, kundi dahil hindi natin kayang magtiwala.

Sa gitna nito, may napakalalim na pag-asa: “Hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama.” At dahil kay Hesus, hindi rin tayo kailanman nag-iisa. Hindi Niya ipinangakong magiging madali ang buhay. Sa halip, sinabi Niya: “Magdaranas kayo ng kapighatian.” Ito ang realidad—may sakit, may luha, may pagsubok. Pero hindi dito nagtatapos ang kwento. Lakas natin ang mga salita ni Hesus: “Tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Kapanalig, ang laban na kinatatakutan mo? ipinanalo na ‘yan ni Hesus. Hindi mas malakas sa Kanyang kapangyarihan ang problema mo. Hindi kayang talunin ang Kanyang liwanag ng kadilimang nararanasan mo. Hindi galing sa kawalan ng problema ang tunay na kapayapaan, kundi sa pakikipag-isa kay Kristo sa gitna ng mga pagsubok.

Kapanalig, kapag dumarating ang unos, saan tayo kumakapit? Sa sarili nating lakas, o sa Panginoong nagtagumpay na? Manatili. Hindi natin kailangang maging perpekto sa pananampalataya. Kasama natin si Hesus, hindi tayo kailanman mag-iisa.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul