Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 20, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Juan 17:11b-19

Tumingala si Hesus sa Langit at nagsabi: “Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa Ngalan mo at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili; marapat ngang maganap ang Kasulatan. At ngayon, bago ako pumunta sa iyo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. “Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.”

Pagninilay:

Sa ilang taon ko bilang conductor ng isang parish choir, ang isa sa mga pinakamahalagang kasanayang dapat matutunan ng bawat miyembro ay ang unison singing o ang pagkakanta nang sabay-sabay ng iisang himig. Sa aking choral lesson plan, madalas isa sa mga basic na itinuturo ko sa mga entry-level singers ay Gregorian chant dahil hangad nitong papag-isahin ang iba’t ibang tinig upang kumanta ng iisang melodiya. Stepping stone ito papunta sa pagkanta nang may “voicing” o harmoniya, kung saan pinapaganda ng ibang mga tinig ang pangunahing melodiya. Ayon pa nga sa mga sayantipikong pag-aaral, kapag ang koro ay kumakanta, maging ang kanilang paghinga at pagtibok ng puso ay nagiging isa dahil sa kanilang sabay-sabay na pagpupunyagi, paghinga, at pag-awit! Samakatuwid, sila ay may iisang himig, may iisang tinig, at may iisang pusong pumipintig!

Ganito mismo ang panalangin ni Hesus para sa lahat ng nananampalataya sa Kanya: na manatiling tapat sa unison singing ng iisang himig: ang masidhing pagmamahalan nila at ng Ama. Walang ibang hangarin ang umiibig kundi ang laging makapiling ang iniibig, kaya isinugo ni Hesus ang Espiritu Santo, ang pag-ibig ng Ama at ng Anak, upang kahit ngayon ay maranasan natin ang mamuhay sa pagmamahal. Kung gayon, napakagandang isipin na iisa lamang pala ang itinitibok ng puso natin at ng Puso ng Diyos!

Mga kapanalig, maraming pagkakataong susubukin ang pagkakaisang pinapangarap ni Hesus para sa atin. Sa tuwing natutukso tayong makita lamang ang kahinaan ng isa’t isa, nawa’y hilingin nating mapalalim ang ating pananatili sa puso ng Diyos upang mapanibago ang ating pananaw at lumawak ang ating pag-unawa. Kapag kay Hesus tayo naka-focus, hindi magwawagi ang pag-aaway; pagkakaisa ay bonus basta’t pag-ibig ay tunay. 

Cl Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul