Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 21, 2026 – Huwebes

Ebanghelyo: Juan 17:20-26

Tumingala si Hesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. “Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahayag ko sa kanila ang Ngalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”

Pagninilay:  

Ipinagdadasal tayo ni Hesus. Katakataka! Hindi ba si Hesus ay Diyos? At sa kanya tayo humihingi ng grasya? Pakinggan ninyo ito: sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus kay Pedro: “Simon, Simon, tingnan mo, masugid kang pinaghahanap ni Satanas upang salain ka tulad ng trigo, ngunit idinalangin kita na huwag magkulang ang iyong pananampalataya…” Ipinagdasal ni Hesus si Pedro! Si Hesus ang tanging daan sa Ama – ang tanging Tagapamagitan. Mababasa natin na sa huling hapunan nag-alay si Hesus ng masidhing panalangin sa Ama para sa mga mananampalataya, noon, ngayon, at bukas – sa mga maniniwala sa pananalita ng kanyang mga sugo. Mahal na mahal tayo ni Hesus. Sa kanyang paglisan sa mundo, nagsumamo siya sa Ama na tayo’y ingatan at ilayo sa masama upang sa wakas ay maisama niya sa kanyang kaluwalhatian. Nais niya tayong magkaisa. Magkaisa sa pagsamba, sa paninindigan, sa pag-alaga sa kapwa. Kapanalig, meron ka bang issue ngayon na gusto mong malutasan? Tukso na napakahirap labanan? Kabutihan na parang imposibleng maisulong? Alam yan ng Ama. Hinihintay Niyang tumawag ka – in Hesus’ name. Paano yong hindi nagdarasal o hindi naniniwala sa kanya? Kailangan ni Hesus ang ating tulong na magpahayag ng Mabuting Balita na ating natanggap. At magdasal para sa ating mga kapatid na malayo sa bahay ng Ama.

Panginoong Hesus, maraming salamat sa iyong walang kupas na pagmamahal. Palakasin mo ang aming pananalig sa iiyo. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul

<<Audio not available>>