Ebanghelyo: Juan 21:20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Hesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Hesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Hesus: “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako’y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Hesus: “Hindi mamamatay” kundi “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.” Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Hesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko’y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat.
Pagninilay:
Nasukat mo na ba ang bawat palay na tumutubo sa bukid? Di ba iba-iba ang laki? Iisa ang araw ng pagtanim pero hindi lumalaki nang pantay-pantay. Katulad natin, iisa ang tumawag sa atin. Iisa ang nagbibigay ng lakas, pero iba-iba ang ating progress. Sa pagtawag sa atin ng ating Hesus Maestro, nagkakaiba ang pacing natin sa pagsunod sa Kanya. Kaya nang nagkukumpara na si Pedro sa isang kapwa niya alagad, pinuna ito ng ating Hesus Maestro. Ooops. Mind your own vocation. Focus on your own mission.
Kapanalig, hindi nakasalalay ang tunay na pagsulong sa paghahambing sa iba, kundi sa katapatan sa sariling calling at misyon. Let us be gentle with our own self and trust God. Kung tinutukso na tayo ng pagkainggit, manatiling payapa, at bumalik sa tunay na hangarin ng Diyos sa atin. Tingnan natin si Maria, ang Reyna ng mga Apostol, kinilala siya ng aming Founder na si Blessed James Alberione na kauna-unahang alagad ng ating Panginoong Hesukristo, Ayon sa kanya, siya ang unang tumanggap, nanalig at naglingkod sa Diyos. Siya ang masterpiece ng Diyos na puspos ng kadalisayan ang kalooban, kababaang-loob at focused ang paglilingkod sa Diyos. Kaya’t lumapit tayo kay Inang Maria. Bilang Reyna ng mga Apostol, itinatanghal niya ang Kanyang Anak nang buo Niyang buhay. Inaabot niya Siya sa atin. Buong galak niyang sinasabi: Hindi ako. Siya!
- Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul