Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 25, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Juan 19:25-34

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Hesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, Nakita ni Hesus na natupad na ang lahat ngunit kailangang maganap ang isa pang kasulatan at sinabi niya: Nauuhaw ako. May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang ang esponghang ibinabad sa alak at iginiiti nila sa kanyang bibig. Pagka sipsip ni Hesus sa alak, sinabi niya: “Natupad na , at paka yuko ng ulo ibinigay niya ang Espiritu. Ayaw ng mga hudyo na manatili sa krus ang mga bangkay sa araw ng pahinga. Paghahanda ng paskuwa noon kaya mas dakila pa ang araw na yon ng pahinga at hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kaya Hesus, Nakita nilang Patay na siya. Kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti gayunmay sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran a umagos ang dugo at tubig.

Pagninilay:

“Ang hirap ng buhay!” Ilang ulit na ba nating narinig, o mismong nasabi, ang hinaing na ito? Kung may isang mahalagang aral na itinuturo sa atin ng ebanghelyo ngayon, ito ang pag-uugali ni Maria sa gitna ng sakit at pighati. Ayon sa ebanghelyo, nanatiling tahimik si Maria sa paanan ng krus ni Hesus. Bilang Ina, dama niya ang matinding paghihirap ng kanyang Anak. Ngunit bilang taong may malalim na pananampalataya, pinili niyang magtiwala sa tapat na pag-ibig ng Diyos, kahit hindi niya lubos na nauunawaan ang nangyayari.

Mga kapanalig, bilang mga miyembro ng Simbahan ni Kristo, nawa’y matutuhan din natin ang lakas ng loob at tibay ng pananampalataya ni Maria. Sa gitna ng unos at pighati, huwag tayong magpadaig sa bugso ng damdamin. Iwasan ang padalos-dalos na pasya. Huwag agad magreklamo. Matuto tayong manahimik. At sa ating katahimikan, nawa’y maipahayag natin, tulad ni Maria, ang isang pusong matatag, nagtitiwala, at tapat na umaasa sa Diyos. Amen.

  • Fr. JK Malificiar, ssp l Society of St. Paul