Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 26, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Marcos 10:28-31

Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit ang buhay na walang hanggan.

          “May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”

Pagninilay:  

Sa sinabi ng Panginoong Hesus, tinitiyak niya sa atin na ang mga sakripisyo na ating ginagawa, ang ating pagiging bukas-loob, ang ating buhay-paglilingkod, ang paghahandog ng ating sarili para sa paghahari ng Diyos ay nakikita niyang lahat. Kung minsan, kapag may taong nangangailangan ng tulong, may mga kapatid tayo na kahit sapat lang sa kanyang pamilya kung ano ang mayroon siya, magbabahagi pa rin siya sa taong nangangailangan. Kung mayroon namang gawain sa parokya o sa ating lugar, kahit marami siyang tatapusin sa bahay ay iiwanan niya upang makatulong sa pamayanang gawain. O kahit na maglingkod sa maysakit nating magulang, o kapitbahay, iniiwan ng iba ang kanilang pamilya upang tulungan ang nangangailangan.

Walang gawain o saloobin natin na di alam ng Diyos. Kung di man mapansin ng iba ang ating mabuting ginagawa, kung walang pumupuri o nagpapasalamat sa atin, huwag pong sasama ang loob natin. Dahil ang Panginoon ang nakakaalam ng lahat. Sa totoo lang, hindi natin kailangan ang papuri ng ating kapwa. Sa iba’t ibang paraan tayo ay magkakaroon ng gantimpala. Maaaring hindi material na bagay kundi kapayapaan at galak ng puso, magandang relasyon sa kapwa at pamilya, at syempre pa, buhay na walang hanggan. Si San Felipe Neri po ay naglingkod nang may galak sa puso, at siya ay laging nagbibigay galak sa mga taong nakakaharap niya.

Ang mga pari, brothers at madre na iniwan ang pamilya para maglingkod ng lubos sa Diyos, dumarami ang aming ina, ama, mga kapatid na sumusuporta sa misyon ng Panginoon. Gayon din po kayong lahat na naglilingkod sa Diyos at sa kapwa, lahat po ng inyong gawain ay nakikita ng Panginoon at kayo ay gagantimpalaan niya.

  • Sr. Yolanda Dionisio, fsp l Daughters of St. Paul

<<Audio not available>>