Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 27, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Marcos 10:32-45

          Sa paglakad ng mga alagad paahon sa Jerusalem, nanguna si Hesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila

          Lumapit noon kay Hesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo “Ano ang gusto n’yong gawin ko?” “Ipagkalooob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman nasa kaliwa mo.”

           “Talagang hindi n’yo alam kung ano ang hinihingi n’yo. Maiinom n’yo ba ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” “Kaya namin.”Sumagot si Hesus: “Totoong iinum din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.”

          Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Hesus, at sinabi sa kanila: “ Ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n’yo, ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n’yo.

          “Gayundin naman, dumating ang Anak ng tao hindi para paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

Pagninilay:

“Makikita mo sa imagine mo, success ka eh… bigla kang success eh… pero step by the step pala bago ka sumakses.” Nakakatawa man pakinggan, pero totoo. Ang dali nating mag-imagine ng tagumpay, yung finish line, yung recognition, yung bunga ng pinaghirapan. Sa isip natin, parang isang iglap lang. Bigla kang aangat, bigla kang magiging okay, bigla kang “sumakses.” Pero sa totoong buhay, hindi pala ganun. May proseso. May hirap. May mga hakbang na ayaw natin minsan.

Sa Ebanghelyo, habang si Hesus ay papunta sa Jerusalem at malinaw na sinasabi ang Kanyang daraanan, paghihirap, pagtanggi, at kamatayan, iba naman ang nasa isip nina Santiago at Juan. Nakikita na nila ang “success.” Ang maupo sa kaliwa at kanan ni Hesus kapag naghari na siya. Parang nakita na nila ang end goal, pero hindi nila naunawaan ang proseso. Kaya sinabi ni Hesus, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi.” Ipinakita Niya na ang Kanyang landas ay hindi biglaang tagumpay, kundi hakbang-hakbang na pag-aalay ng sarili hanggang sa krus. At doon Niya binago ang kahulugan ng success. Ang maging dakila ay maging lingkod. Hindi shortcut ang daan, kundi serbisyo. Hindi agad-agad ang kaluwalhatian, kundi dadaan sa sakripisyo.

Mga kapanalig, baka minsan ganito rin tayo. Gusto natin ang bunga, pero ayaw natin ng proseso. Gusto natin ng sumakses, pero umiiwas tayo sa mga hakbang ng paglilingkod, pagtitiis, at pag-aalay. Inaanyayahan tayo ni Hesus na yakapin ang step by the step ng tunay na tagumpay. Ang araw-araw na pagmamahal kahit hindi nakikita o napapansin.

Manalangin tayo. Panginoong Hesus, kapag minamadali namin ang tagumpay, turuan Mo kaming magtiwala sa Iyong proseso. Bigyan Mo kami ng lakas na tahakin ang bawat hakbang ng paglilingkod. Nawa’y matutunan naming ang tunay na success ay ang maging tulad Mo, mapagkumbaba, mapagbigay, at tapat hanggang wakas.

  • Cl Anjon Mamunta, ssp l Daughters of St. Paul