Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Mayo 28, 2026 – Huwebes

Ebanghelyo: Mateo 26, 36-42

 Isinama ni Hesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo’t mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, kaya’t sinabi niya sa kanila, “Ako’y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!”

   Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.”

40 Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.”

  Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.

Pagninilay:

Mapagpalang Kapistahan po ng Panginoong Hesukristo, Walang Hanggan at Dakilang Pari!

Sa Getsemani, nakita natin si Hesus bilang Dakilang Pari, hindi lang Siya ang nag-aalay, kundi Siya rin ang alay. Hindi hayop, hindi bagay, kundi sarili Niya ang inihandog para sa atin. At ang altar? Ang Kanyang puso na punô ng takot, lungkot, at pagtitiwala sa Ama. Sinabi ni Hesus, “Ako’y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan.” Hindi kawalan ng hirap ang pagiging banal. Nanghina, natakot, at nagdusa rin kahit na si Hesus. Ngunit sa halip na takasan ang sitwasyong iyon, lumuhod Siya at nanalangin.

Bilang Dakilang Pari, itinuro Niya kung paano mag-alay: “Ama, kung maaari… ilayo ninyo sa akin ang kopang ito. Ngunit hindi ang kalooban ko, kundi ang sa inyo.”

Nasa puso ni Hesus ng tunay na pag-aalay: pagsuko ng sariling kagustuhan para sa mas dakilang layunin ng Ama. Opo, may kanya-kanya rin tayong “kopang” iniinom sa buhay natin: mga pagsubok, sakit, responsibilidad, mabigat na relasyon. Madalas nais nating takasan ito. Pero ipinapakita ni Hesus na hindi pagtakas, kundi pagtitiwala sa Kanya, sa gitna ng hirap, ang daan ng tunay na buhay.

Masakit ding makita na nakatulog ang mga alagad. Sa oras na kailangan ni Hesus ng kasama, wala sila, tulog. Ngunit kahit nag-iisa, hindi tumigil si Hesus sa pagtupad ng Kanyang misyon. Batid Niya: hindi nanggagaling sa tao ang kanyang lakas, kundi sa Ama. Bilang Kanyang mga tagasunod, inaanyayahan tayong maging “pari” sa sariling paraan – ialay ang ating buhay araw-araw: ang pagod, sakripisyo, pagmamahal, at kahit ang sakit.

Kapanalig, kung sakaling dumating ang “kopang” hindi mo gusto, tatakbo ka ba palayo, o luluhod ka sa panalangin? Kaya mo bang sabihin: “Ama, mangyari nawa ang inyong kalooban”? Hindi sa ginhawa, kundi sa pagsuko nagiging makabuluhan ang tunay na pananampalataya.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul