Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 3, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Marcos 12:18-27

Lumapit kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya ikinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Namatay nga silang pito nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay rin ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay—kung mabubuhay silang muli—kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”

          Sumagot si Jesus: “Hindi kaya bunga ng hindi n’yo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit.

          At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi n’yo ba inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: “Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob”? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”

Pagninilay:

Kaya pala ang sumpaan ng mag-asawa during their wedding is “till death do us part” kasi sa muling pagkabuhay ay wala nang mag-asawa. Sabi sa verse 25, “Sapagkat sa muling pagkabuhay ay di na sila mag-aasawa at pag-aasawahin kundi sila ay matutulad sa mga anghel sa langit. Ano nga ba ang mga anghel? Ayon sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko #335, “Ang mga anghel ay purong espiritu na nakasentro kay Jesus.” At dahil nakasentro na ang buhay nila kay Cristo, hindi na sila maghahanap ng kaligayahan sa iba. Hindi na nila iisipin na mag-asawa dahil sapat na si Cristo. Dito napahiya ang mga Saduseo dahil nahayag ang kakulangan nila ng pagkakaunawa sa nasulat ni Moises. Sa kabilang dako, ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na hindi natin babaunin sa kabilang buhay ang status natin dito sa lupa. Kahit gaano pa pala kayo ka-sweet ng asawa mo, o gaano pa kataas ng posisyon mo dito sa lupa, wala na ’yan sa muling pagkabuhay.

Additional: Pantay-pantay tayo sa paningin ng ating Panginoon. Kaya kapanalig, habang nabubuhay pa tayo rito sa lupa, maging mabuti tayo sa bawat isa. Huwag tayong mang-api o kaya’y mag-take advantage sa ating kapwa dahil hindi natin hawak ang bukas. Tanging Diyos lamang ang nakakabatid kung saan dapat mapunta ang bawat isa sa muling pagkabuhay.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul