Ebanghelyo: Mc 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang bu mong pag iisip at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarilui ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay:
Inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita sa araw na ito na suriin ang ating pang-araw-araw na buhay sa konkretong paraan. Ang magmahal sa Diyos “nang buong puso, buong kaluluwa, buong isip, at buong lakas” ay nangangahulugang hinahayaan natin ang Diyos na maging sentro ng ating buhay. Hindi lamang sa oras ng panalangin kundi pati sa ating mga desisyon, priorities sa buhay, paggamit ng oras, at pakikitungo sa kapwa.
Maaaring araw-araw tayong nagdarasal, nagsisimba, at tumutupad sa mga gawaing pangrelihiyon. Pero nananatili namang magaspang ang ating ugali, ang pananalita, hindi marunong magpatawad, walang malasakit sa paghihirap ng iba, o manhid sa pangangailangan ng kapwa. Ipinaaalala sa atin ni Jesus na ang sukatan ng ating pag-ibig sa Diyos ay madalas nakikita sa mga simpleng ugnayan sa araw-araw: ang pagpapasensiya sa taong mahirap pakisamahan, pagiging tapat sa trabaho, pakikiramay sa mahina, pakikinig sa nalulungkot, o pagpapakita ng kabutihan kahit tayo’y pagod na.
Mapanghamon din ang ikalawang utos: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” Kapanalig, hindi sinabi ni Jesus na mahalin lamang ang madaling mahalin. Nagiging tunay ang pag-ibig Kristiyano kapag may kasamang sakripisyo: kapag pinili nating umunawa kaysa humusga, makipagkasundo kaysa magkimkim ng sama ng loob, at maging bukas-palad kaysa puro sarili ang iniisip.
Nabubuhay tayo sa gitna ng ingay, pagkakahati-hati, galit sa social media, at pagiging makasarili. Madaling malunod sa opinyon, argumento, at panlabas na anyo habang nakakalimutan ang tunay na tao sa ating harapan. Ibinabalik tayo ni Jesus sa pinakamahalaga: pag-ibig na konkreto, matiisin, tapat, at handang magbigay ng sarili.
Kapanalig, ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita na hindi komplikado ang kabanalan. Kadalasan, matatagpuan ito sa simpleng katapatan: taimtim na pana-langin, mahinahong pananalita, tahimik na paglilingkod, paulit-ulit na pagpapatawad, at pag-ibig na isinasabuhay araw-araw.
Ang pinakadakilang utos ay siya ring pinakamalaking hamon—at siya ring pinakamalinaw na daan para sa atin upang maging tunay na tao at tunay na Kristiyano.
- Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul