Ebanghelyo: Marcos 12:35-37
Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “ Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na Anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang magslita siya sa Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Pangnioon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iiyong kaaway sa ilalaim ng iyong mga paa.’
“Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, pwede bang anak siya ni David?”
Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
Pagninilay:
Madalas, nais sana nating madaling ipaliwanag ang mga bagay-bagay patungkol sa Panginoon. Yung parang isang sagot na abot ng ating isipan, kontrolado, at pamilyar. Ngunit sa Mabuting Balita ngayon, hinahamon tayo ni Jesus na palawakin ang ating pag-unawa. Hindi lang siya basta “anak ni David”. Siya ang Panginoon, mas dakila kaysa sa inaasahan ng tao. Sa madaling salita, hindi natin maikakahon ang kabanalan ng ating Diyos, hindi sapat na maglagay ng mga label o kung ano ang nakasanayan nating isipin.
Ganito rin tayo minsan. Gusto nating kontrolado ang lahat—mga plano, ating kinabukasan, pati ang paraan ng pagkilos ng Diyos sa buhay natin. Kapag hindi nangyari ang inaasahan natin, naguguluhan tayo, o minsan nawawalan ng tiwala. Ipinapaalala ng Mabuting Balita na higit pa sa ating inaakala ang Panginoon. Kumikilos Siya sa paraang lampas sa ating pag-unawa at pangangatwiran, ngunit laging para sa ating kabutihan. Handa ba tayong tanggapin ang Diyos hindi lamang bilang “kilala natin,” kundi bilang “higit pa sa kaya nating unawain”? Handa ba tayong magtiwala kahit hindi malinaw ang lahat?
Kapanalig, marahil may pinagdaraanan kang hindi mo maipaliwanag: isang suliranin, matagal na paghihintay, o sama ng loob. Sa halip na piliting unawain agad-agad ang lahat, inaanyayahan tayong magtiwala. Hindi naman nating kailangang malaman ang buong plano ng Diyos. Sapat na kilala natin Siya na may hawak ng mga plano. Hindi lang kaalaman tungkol sa Diyos ang tunay na pananampalataya kundi pagtanggap na Siya ang Panginoon, hindi tayo. At sa pagpapakumbabang ito makakamtan ang kapayapaan.
Kaya’t ngayon po, kapanalig, subukan nating bitawan sandali ang pagkontrol sa mga bagay-bagay at buong pagpapakumbabang manalangin: “Panginoon, hindi ko man po lubos na nauunawaan, nagtitiwala po ako sa Iyo.” Hayaan nating unti-unti niyang baguhin ang ating puso—mula sa takot na magtiwala, mula sa kalituhan – tungo sa pag-asa at pananalig.