Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 6, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Marcos 12:38-44

Sinabi ni Jesus sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may dahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.” Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila ngunit siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya—ang mismong buhay niya.”

Pagninilay:

Pinuri ni Jesus ang biyuda na nagbigay ng dalawang barya sa Templo. At nagbabala siya tungkol sa mga guro ng bata. Parang X-ray ang mga mata ni Jesus. Nakikita niya ang kalooban kaya nasasabi niyang sila ay mga pasikat at paimbabaw. Nagbibigay nga pero dahil gusto nilang maparangalan. Samantala ang balo na nagbigay ng dalawang barya ay hindi naghintay ng papuri. Maliit nga ‘yong dalawang barya pero ikabubuhay niya. Kung sa panahon natin ngayon, makabili pa siya ng isang kilong bigas. Kung sabagay hindi naman kailangan na magbigay siya ng limos sa Templo. Maraming mga mayayaman na nagbibigay doon. Bakit pa niya iibigay ang ikabu-buhay niya? Diyan natin makikita ang busilak na puso ng biyuda. Ang kanyang alay ay bunga ng kanyang pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. Kaya, sinabi ni Jesus na mahigit sa lahat ang kanyang alay. Mga kapanalig, ang pag-aalay ng pera sa simbahan ay hindi abuloy, kundi isang pagpapasalamat sa Diyos na nagbibigay sa atin araw-araw ng buhay, at lahat ng grasya, material at spiritual. Ang perang inihuhulog sa kolekta ay napakahalaga kung nanggagaling sa pananampa-lataya at pagmamahal sa Diyos. Gayundin dapat ang ating saloobin sa pagtulong natin sa mga mahihirap. Hindi bilang tungkulin kundi dahil sa pagmamahal sa Diyos, dahil ang mga mahihirap ay ang mukha ng Diyos sa mundo. Ang taong mapagbigay ay kamukha ng Diyos, ni Jesus na nag-alay ng buhay para sa kaligtasan ng lahat. Manalangin tayo: Amang minamahal, ang lahat ng kabutihang gusto kong gawin ay dahil sa pagmamahal sa Iyo. Bigyan Mo ako ng isang pusong busilak at mapag-pakumbaba. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul