Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 10, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo:  Matthew 5:17-19

    Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.

       “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

Pagninilay:

Mga ka-youth, o dating naging youth, alam niyo ba, sa bawat bahay may house rules. Sino dito ang may rule na bawal mag-cellphone sa dining table? O baka naman sa inyo, OK ang screen time at social media after homework? Di ba, ginagawa ng parents ito para turuan tayo ng values tulad ng paggalang, pananagutan, o kabutihan?

Kung sa bahay may rules, lalo na sa ating spiritual life. Ang tawag dito ay Divine Law. Ito yung mga pamantayan na galing mismo sa Diyos na gabay sa walang hanggang buhay. Sa Divine Law naroon ang Ten Commandments. Kasama rin dito ang mga turo ni Hesus Maestro at ng teaching authority ng ating Simbahan. In short, nakaugat ito sa Banal na Biblia at Tradisyon. Parehong galing kay Father God na requirement para malaman natin ang tunay na kalooban ng Diyos.

Ngayon, pagnilayan natin: Kung sa bahay, ang rules ay para sa harmony ng pamilya, Sa Divine Law naman, ang rules ay para sa harmony ng ating soul with God. Kapag tapat tayong tumalima, nagiging buhay na patotoo tayo sa iba. Parang walking testimony—nakikita ng tao sa buhay natin ang kabutihan ng Diyos.

Kaya challenge ko sa inyo: Handa ba tayong maging dakila sa Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod at pagtuturo ng Kanyang alituntunin? Kung oo, tapikin natin ang ating balikat at i-pursue natin ito. Tandaan, hindi tayo nag-iisa, at isama natin ang ating family, friends, and buong parokya. Buong Simbahan.

Kaya mga kapanalig, kung pipiliin natin na sundin ang Divine Law, naniniwala tayo sa forever- ang life forever with God. Yun ang eternal salvation, yun harmony ng ating kaluluwa kapiling si Lord na promise – walang ending!

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul