Ebanghelyo: Mt 5:13-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”
Pagninilay:
Kapanalig, kailan ka huling gumawa ng mabuti nang hindi mo planado? Napansin mo lang na may kailangan, at kumilos ka. Walang fanfare. Walang post. Ginawa mo lang.
Kamakailan, nag-alburutong muli ang Bulkang Mayon. At sa gitna ng ashfall, may isang mama na tumayo sa tabi ng daan, may hawak na simpleng hose. Habang nagdadaan ang mga sasakyan na puno ng abo ang windshield, lumapit siya sa bawat isa at hinugasan ‘yon para makapagpatuloy sila ng biyahe nang ligtas. Hindi siya humingi ng kapalit. Hindi siya nag-post para sa likes. Kumilos siya dahil nakita niyang may kailangan. Sabi ng banyagang nagkuwento nito: sa Pilipinas, hindi pinaplano ang kabutihan. Nagpapakita lang kapag kinakailangan. Iyan ang bayanihan: ang tahimik, walang salitang pag-unawa na nag-aalaga tayo sa isa’t isa, kahit hindi mo kakilala. Sa mundong laging nahahati, minsan ang kailangan lang ay isang tao, isang hose, isang simpleng kilos ng malasakit, para mapaalaala sa atin kung sino tayo.
Naunawaan ni San Efren ang ganitong uri ng paglilingkod. Hindi siya pari, hindi obispo, kundi isang simpleng lingkod ng Simbahan at ng kanyang kapwa. Sumulat si Efren ng daan-daang awitin at tula upang turuan at mapalakas ang pananam-palataya ng mga tao, gamit ang sining, hindi kapangyarihan. Ngunit higit pa sa mga salita, buhay ang kanyang sinasabi. Nang magutom ang mga tao sa kanyang paligid, nag-organisa siya ng pagkain at tirahan para sa mga nangangailangan. At nang sumiklab ang salot, nag-alaga siya ng mga maysakit, hanggang sa siya mismo ay nahawa at namatay. Hindi siya naghintay na tanungin kung responsibilidad niya. Nakita niya ang pangangailangan, at kumilos siya. Tulad ng mama sa tabi ng daan.
Sinasabi sa atin ni Jesus ngayon: “Kayo ang ilaw ng mundo… Dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”
Hindi sinasabi ni Jesus na magsiga kayo nang magliwanag at mapansin. Sinasabi niya na huwag itago ang ilaw na nasa inyo. Dahil ang ilaw na iyon ay hindi gawa ng inyong kamay. Galing iyon sa Diyos, at nais niyang lumabas ito sa pamamagitan ng inyong mga kamay, mga salita, at mga simpleng kilos ng pagmamahal.
Kapanalig, bago matapos ang araw na ito, tanungin mo ang iyong sarili: Ano’ng simpleng pagmamalasakit ang magagawa ko ngayon? Hindi kailangang malaki. Hindi kailangang may nakakaalam. Baka isang mensahe sa isang kaibigan na mukhang nahihirapan. Baka isang ngiti sa kasama mong pagod na pagod. Baka isang simpleng “kumain ka na ba?” sa isang taong nandoon palagi para sa iyo.
Ilaw ka. Hayaan mo itong lumabas. At sa bawat kilos ng malasakit mo, naliliwanagan ang mundo.