Ebanghelyo: Mateo. 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.
Pagninilay:
Marahil pamilyar na para sa iyo ang ating Mabuting Balita ngayon, kapanalig. Ito yung tinatawag na 8 Beautitudes. Ang ibig sabihin ng beatitude ay ang pagiging mapalad. Sa salitang griyego na “makarioi”, ito raw ay “a state of spiritual well-being, deep joy, and divine favor.” Mapapansin natin na ang unang beatitude pertains to those who are poor ngunit idinagdag pa ang salitang spirit, kaya poor in spirit o may diwa ng dukha. Ayon sa ating katesismo naglalarawan ito sa pagiging mapagpakumbaba. Wika ni Pope Francis noon, sinimulan ni Hesus ang Beatitudes for us to have a “sense of our own smallness.” Ang pagkakaroon ng diwa na tayo ay mga aba lamang na walang inaasahan kundi ang Diyos, at ang awareness na lahat ng mayroon tayo, kakayahan, talino, talento, materyal na bagay, ay nagmumula sa Diyos, ay epektibong balakid upang maiwasan natin ang tinatawag niyang pangit na bisyo ng kayabangan. Ang pagiging mapagpakumbaba ay sinasabing “gateway to all the virtues” kung saan nagmumula ang mga sumunod na beatitude tulad ng pagiging hindi marahas o kaamuan, pagiging maawain at pagkakaroon ng busilak na puso. Mula sa kababaang-loob na ito sinasabi ni Hesus na tayo ay “magsaya at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa atin.”
Panalangin: Panginoong Hesus, ipaalala mo nawa sa amin araw-araw ang iyong kababaang-loob. Ito nawa ang aming maging lakas upang magpakumbaba at hindi isiping kami ay laging tama. Buksan mo ang aming puso at isip na maisabuhay ang iyong mga aral nang kami ay maging ganap na masaya dito sa mundo kasama mo at ng aming mga kapatid sa Iyo. Amen.
- Sr. Raine Santos, fsp l Daughters of St. Paul