Ebanghelyo: Lucas 2:41–51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang.
Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya.
Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.
Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.
Pagninilay:
Mga kapanalig, sa ating pagbasa ngayon nakita natin ang batang si Jesus na nanatili sa templo habang hinahanap Siya nina Maria at Jose. Sa unang tingin, tila ito’y isang simpleng pangyayari ng pagkawala. Ngunit sa mas malalim na pagninilay, ipinapakita nito ang pagkakakilanlan ni Jesus at ang Kanyang misyon – ang maging abala sa gawain ng Kanyang Ama. Tulad ni Maria, “hindi niya lubos na naunawaan” ang nangyari, ngunit iningatan niya ito sa kanyang puso. Paanyaya ito sa atin na magtiwala kahit hindi natin agad nauunawaan ang plano ng Diyos. Kumikilos Siya sa ating buhay. Makikita rin natin ang kagandahan ng pagsunod ni Jesus nang Siya’y bumalik sa Nazaret at pasakop kina Maria at Jose.
Ang tunay na pagmamahal ay hindi lamang nasusukat sa paghahanap ng sariling landas, kundi sa mapagpakumbabang pagsunod at paggalang sa pamilya. Sa ating paglago, mahalagang matutunan nating balansehin ang ating personal na tawag at ang ating tungkulin sa ating pamilya. Sa huli, inaanyayahang tayo ng Ebanghelyong ito na hanapin si Jesus, hindi sa malayong lugar kundi sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos. Sa panalangin, sa simbahan, at sa ating puso.
Panalangin: Panginoong Jesus, turuan Mo akong hanapin Ka sa gitna ng aking araw-araw na buhay. Bigyan Mo po ako ng pusong marunong magtiwala, lalo na sa mga bagay na hindi ko nauunawaan. Tulungan Mo akong igalang at mahalin ang akin pamilya, komunidad, at maging masunurin sa Iyong kalooban. Amen
- Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul