Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 15, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Mt 5:38–42

          Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.

 

Pagninilay:

          Para sa ilan sa atin, natural na gumanti. Kapag nasaktan tayo, parang may boses sa loob natin na nagsasabing, “Bumawi ka. Huwag mong palampasin ang ginawa sa iyo.” Kaya madaling maintindihan ang lumang katuruan: “mata sa mata, ngipin sa ngipin.” Ngunit sinira ito ni Jesus. Hindi dahil mahina ang hindi gumaganti, kundi dahil may mas malalim o higit na lakas sa mga marunong magkontrol at magmahal.

Sa totoo lang, hindi madali ang sinasabi Niya. Hindi pagpapa-api ang pagharap ng kabilang pisngi. Pagpili ito na huwag hayaang kontrolin ng galit ang puso. Pagtanggi ito na maging katulad tayo ng nanakit sa atin. Kapag gumanti tayo, nadadagdagan lang ang sakit. Parang apoy na pinapakain ng isa pang apoy.

Sa ating pang araw-araw na pamumuhay hindi natin maiwasang tayo’y masaktan. At kapag may nakasakit sa atin, maaaring miyembro ng ating pamilya, kasama sa komunidad, o yung online bashers, mayroon tayong dalawang pagpipilian: gumanti o magpatawad. Ang una’y nagbibigay ng pansamantalang kaluwagan; ang ikalawa, ng pangmatagalang kapayapaan. Hindi sinasabi ng pagpapatawad na “okay lang ang ginawa mo” kundi, “Hindi ko hahayaang masira nito ang puso ko.”

Ang pagbibigay, ang hindi pagtanggi, ang paglalakad ng extra mile ay mga simpleng hakbang ng pag-ibig na higit pa sa hinihingi. Hindi ito kahinaan kundi kalayaan. Kalayaang tumanggi na matali ng sama ng loob.

Kapanalig, siguro may naisip kang tao o mga tao na nakasakit sa iyo. Hindi mo kailangang ayusin agad-agad ang lahat. Pero pwede kang magsimula sa malilit na hakbang: piliing huwag gumanti sa salita, piliing manahimik kaysa manakit, piliing ipagdasal kaysa manghusga. Sa ganitong paraan, unti-unting nagbabago ang mundo—hindi sa pamamagitan ng mapanirang paghihiganti, kundi sa pamamagitan ng tahimik ngunit makapangyarihang puwersa ng kahinahunan – mga hakbang na tunay na nagpapalaya.

  • Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul